Sementéryong Pacò

Ang Sementéryong Pacò ay isang parke ngayon ngunit itinayô ito noong 1820 upang maging sementeryo munisipal ng Maynila noong panahon ng kolonyalismong Español. Itinayô ito upang maging libingan ng mga biktima ng epidemyang kolera. Matatagpuan ito sa sa mga kalye ng General Luna at Padre Faura sa distrito ng Paco (dating distrito ng Dilao), Lungsod Maynila.

Nagkaroon ng higit na kabuluhang pangkasaysayan ang sementeryo dahi dito inilibing ang Gomburza (sina Padre Jose Burgos, Mario Gomez, at Jacinto Zamora) na binitay noong 1872. Dito rin matatagpuan ang unang pinaglibingan kay Jose Rizal bago inilipat ang kaniyang mga labí sa Liwasang Rizal (Luneta). Pabilog ang hugis ng kamposanto na sinarhan sa paglilibing noong 1912. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagsilbing tanggulan ng mga Japanese ang makakapal na adobeng pader ng parke. Noong 1966, ipinahayag itong Pambansang Parke.

Bukod sa harding may lawak na 4,114.80 metro kuwadrado, ipinagmamalaki ng sementeryo ang kapilya nitó, ang St. Pancratius Chapel, isang munting simbahan sa loob ng parke. Dito nakalagak ang mga labí ni Gobernardor- Heneral Ramon Solano y Lladeral. Hindi hihigit sa sandaang katao ang kasiya sa kapilya. Nasa pangangalaga ito ng mga paring Vincentiano na siyá ring nangangasiwa sa kalapit na Adamson University. Sa kasalukuyan, popular ang simbahan bilang pook-kasalan, lalo para sa mga magsing-irog na naghahanap ng taimtim at matalik na seremonya na dadaluhan lámang ng malalapit na kaibigan at kapamilya. Karaniwan ding makita sa hardin ng sementeryo ang mga pamilya at magkasintahang nagpipiknik. Ginagamit din itong dausan ng mga konsiyerto at pagtatanghal. (PKJ)

Cite this article as: Sementeryong Paco. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/sementeryong-paco/