Sementéryong Nagcarlán sa Ilálim ng Lupà
Ang Sementéryong Nagcarlán ang nag-iisang sementeryo sa Filipinas na matatagpuan sa ilalim ng lupa at ilalim ng simbahan. Matatagpuan ito sa bayan ng Nagcarlan, lalawigan ng Laguna. Maituturing na mahuhusay na halimbawa ng arkitektura noong panahon ng kolonyalismong Español ng sementeryo, simbahan, entrada, at pader ng pook.
Itinayô ang sementeryo noong 1845 ng mga misyoneryong Pransiskano sa pangangasiwa ni Padre Vicente Velloc, kasabay ng pagtatayông-muli ng pinalaking Simbahang San Bartolome at pagtatayô ng kumbento. Dito nagpulong nang palihim ang mga pinunò ng Himagsikang Filipino sa Laguna noong 1896. Ginamit naman ito bilang kanlungan ng mga makabayang Filipino noong Digmaang Filipino-Americano, at nagsilbing taguan ng mga gerilyang Filipino noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ipinahayag itong Pambansang Palatandaang Makasaysayan (National Historical Landmark) noong 1973. Pinangangasiwaan ang pook ng National Historical Institute hábang nananatili sa pagmamay-ari ng Simbahang Katolika.
Matatagpuan ang sementeryo may 15 talampakan sa ilalim ng lupa. Inilibing ang una sa 36 nitso noong 1886. Matatagpuan din ang 240 nitso sa pader ng simbahan, sa ibabaw naman ng lupa. Ang kamposanto ang nagsilbing hulíng hantungan para sa mga prayle, opisyal ng lokal na pamahalaan, at mga mariwasa. Isinara ang hulíng nitso noong 1982, at sa kasalukuyan ay isang atraksiyong panturista ang sementeryo at simbahan. Dumadagsa ang mga bisita tuwing Undas at Mahal na Araw, kung kailan ginaganap ang isang senakulo na pinanonood ng maraming tao. (PKJ)