Sekularisasyón
Sa pangkalahatan, ang sekularisasyón ay pagpapalawig ng mga gawaing hindi pansimbahan o labas sa impluwensiya ng relihiyon. Dahil sa layunin ng pananakop ng mga Español na gawing “sibilisado at Kristiyano” ang mga dinatnang katutubo sa Filipinas, napangatwiranan ang pakikialam ng mga fraile sa mga gawain ng pamahalaan. Sa kasaysayan ng Filipinas noong panahon ng kolonyalismong Español, nangahulugan ang sekularisasyon ng paggigiit ng kapangyarihan ng mga paring sekular kapantay ng sa mga paring regular.
Kabílang sa isang ordeng panrelihiyon ang mga tinatawag na “paring regular”––tulad ng mga Dominiko, Agustino, Pransiskano, at Rekoleto––na may pangunahing layunin ng pagpapalaganap ng Kristiyanismo. Samantala, hindi kabílang sa anumang ordeng panrelihiyon ang mga “paring sekular,” nása ilalim ng pangangasiwa ng mga obispo, at sinanay upang humawak at mangasiwa ng mga parokya. Nagsimula ang sigalot nang igiit ng mga obispo na pangasiwaan ang mga parokyang hawak ng mga paring regular; iginiit ng mga naturang pari na hindi silá nasasaklaw ng kapangyarihan ng mga obispo.
Iginiit ni Arsobispo Basilio Santa Justo noong 1774 ang kapangyarihan ng mga diyosesis sa mga parokya at tinanggap ang bantang pagbibitiw ng mga paring regular. Itinalaga ang mga paring sekular sa posisyon ng mga pinagbitiw na pari. Isang dekreto ng hari noong 9 Nobyembre 1774 ang nagkaloob ng sekularisasyon ng mga parokya at pagsasalin ng pangangasiwa ng mga ito sa mga paring sekular.
Sabihin pa, hindi nagustuhan ng mga paring regular ang sekularisasyon. Gayumman, pumanig sa mga Filipino si Monsinyor Pedro Pelaez, na nagmula sa Pagsanjan sa Laguna, at gobernador na eklesiyastiko ng simbahan. Subalit namatay siya sa lindol noong 1863 na nagwasak ang Katedral ng Maynila. Ipinagpatuloy ng mga paring tulad nina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora ang pakikipaglaban ni Pelaez para sa sekularisasyon. Humantong ito sa pagsasangkot sa naturang mga lider ng paring sekular sa pag-aalsa sa Cavite noong 1972 at ng pagbitay sa kanila. Itinuturing na isang usapin ang sekularisasyon na gumising sa diwang makabayan ng mga Filipino, lalo na ng mga pamilyang nadamay sa isinagawang persekusyon sa mga aktibista para sa sekularisasyon. (ECS)