saramulyéte

Ang isdang saramulyéte ay kabilang sa pamilya Mullidae. Ito ay kilalá rin sa tawag na salmunete, balaki, o bayabaw. Matatag-puan sa mga karagatang Atlantiko, Pasipiko, at Indian. Ito ay naninirahan sa mabababaw at mabuhanging bahagi ng babaybay sa lugar ng mga lusay at tangrib.

Ang katawan ng saramulyéte ay pahabâ. Ang palikpik sa likod ay magkalayô; ang unang palikpik ay may 6-8 tinik at ang ikalawa naman ay may 1 tinik, at mas maikli kaysa palikpik sa puwit na may isa o dalawang tinik. Ang buntot ay magkahiwalay. Ang babà ay may dalawang mahahabàng barbel na nagtatataglay ng organo na ginagamit upang maghanap ng mga imbertebrato at maliliit na isda sa buhangin o mga butas ng tangrib. Karamihan ay makukulay.

Napakaraming espesye ng saramulyete at isa sa mga ito ay ang Parupeneus indicus. Ang likod ay medyo paumbok kaysa tiyan. Katamtaman ang habà ng dalawang putîng barbel sa may babà. Ang bibig ay pahilig, patulis ang nguso, at ang mga ngipin sa magkabilang panga ay nása isang hilera. Ang kabuuang tinik sa palikpik sa likod ay walo at isa naman ang tinik sa palikpik sa puwit. Ang kulay ay maberdeng kayumanggi hanggang mapuláng kayumanggi sa may likod, ang gilid ng mga kaliskis ay makikitid at madilim samantalang maputî-putî o maputlang rosas pa-puntang tiyan. Ang linya sa tagiliran ng katawan ay may malaking pahalang at pahabâng batik na kulay dilaw, na minsan ay nagiging putî. Ang ikalawang palikpik sa likod at puwit ay may iregular na pahilig na mga linya na kulay maputlang asul. Ang palikpik sa buntot ay may linya na kulay madilaw-dilaw na abo at mapusyaw na bughaw.

Maaaring nag-iisa o magkakasáma sa paglangoy. Ang malalaki at tigulang ay kadalasang naglalagi sa lalim na 30 metro. Kumakain ng imbertebrato, maliliit na talangka at pugita, hipon, uod, at maliliit na isda. Ito ay napakahalagang isda dahil ang laman ay maputî at masarap. Kadalasang ibinebenta ng sariwa. (MA) ed VSA

 

[cite]