sapsáp
Ang isdang sapsáp ay kabilang sa pamilya Leiognathidae. Karamihan ay nása dagat ngunit may mangilanngilan ding pumapasok sa tubig tabang. Ito ay matatagpuan sa Kanlurang Indo Pasipiko at may isang espesye na nakapasok sa Mediterranean sa pamamagitan ng Kanal Suez.
Napakasiksik at madulas ang katawan ng sapsap. Ang kaliskis ay maliliit. Ang ulo ay makinis at nagtataglay ng mga mabutong galugod sa itaas. Maliit ang bibig at bahagyang pinahabà. Walang ngipin sa ngala-ngala. Ang palik-pik sa likod ay tuloy-tuloy at may 8-9 na tinik na medyo nakataas sa unahang bahagi. Ang palikpik sa puwit ay may tatlong tinik.
Ang katawan ng espesye na Leiognathus equulus ay ma-lalim at may maikling pabilog na nguso at malalaking matá. Malapilak ang katawan at ang buntot ay may maliit na kulay kapeng upuan . Ang palikpik sa puwit ay dilaw at ang palikpik sa likod ay naaaninag. Masyadong hutok o paarko ang likod. Ang pinahabàng bibig ay nakaturo pababâ. Ito ay may karaniwang habà na 20 sentimetro at ang pinakamalaking naitalâ ay 28 sentimetro.
Ang sapsáp ay matatagpuan sa bukana ng ilog at maputik na lugar sa baybay at kadalasan ay sa bakawan. Ang tigulang ay karaniwang naninirahan sa pagitan ng lalim na 10-70 metro at lumalangoy nang magkakasáma. Kumakain ng uod, maliliit na krustaseo, at isda. Ang sapsap ay nahuhuli sa pamamagitan ng galadgad at sahid. Ito ay importanteng pagkain ng mga tao sa tropiko. Ito ay ibinebenta nang sariwa o tuyo. (MA) ed VSA