Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

Ramón Santós

(25 Pebrero 1941—)

Si Ramón Pagayon Sántos ay isang nangungunang modernistang kompositor at konduktor sa musika. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 2014 matapos ang kontrobersiyang dagdag-bawas noong 2009.

Bunso sa anim na anak nina Jose Santos, isang abogado, at Amada Pagayon, isang mangaawit, isinilang siyá sa Pasig, Rizal noong 25 Pebrero 1941. Ikinasal siyá kay Lourdes Wong at nagkaroon ng dalawang anak na babae. Nagtapos siyá ng elementarya sa Pasig Catholic School; sekundarya sa San Jose Seminary; at bachelor of music, major in composition and conducting sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1965. Nagtapos siyá ng masterado nang may karangalan sa Indiana University noong 1969 at doktorado sa State University of New York noong 1972. Nag-aral siyá ng komposisyon kasáma sina Hilarion Rubio, Lucio San Pedro, Thomas Beversdorf, Roque Cordero, Ramon Fuller, at William Koethe; ng kontemporaneong musika kasáma sina Istvan Anhalt at George Perle; at ng etnomusikolohiya kasáma si Bruno Nettl.

Naging impluwensiya niya ang musika nina Mahler at Debussy noong estudyante pa lamang siyá sa UP. Habang nása Indiana, ang mga una niyang piyesa ay may impluwensiyang neoklasiko, tulad ng maririnig sa Pied Beauty(1968) at Concertino Variations for orchestra (1969). Nang maipakilala sa mga teknikang avant-garde, isinulat niya ang Improperia, isang kantata, para sa mga soloista, koro, orkestra, at kulintang. Sa New York, natuto siyá ng mga makabagong vocal technique at electronikong musika. Nasagap niya rin ang New Music sa Darmstadt, Germany at sa Institute of Sonology sa Utrecht, Netherlands.

Nang magbalik sa Filipinas, nagbabad siyá sa mga katutubong musika ng Filipinas at Asia. Isinulat niya ang Nabasag ang Banga at Iba’t Ibang Pinag-ugpong-ugpong na Pananalita para sa Labing-anim na Tinig (1972). Noong simula ng dekada 80, nagpatuloy siyá sa paggamit ng mga elemento ng kulturang Filipino habang gumagamit ng Kanluraning sound media, tulad ng sa Phenomenon (1989), Tin-ig(1983), at Du-a (1986) para sa mga orkestra; at serye ng mga piyesang pansolo sa Abot-Tanaw (1981- 1984). Gumawa rin siyá ng mga komposisyon para sa integrasyon ng musika, sayaw, drama, at tula sa Ba-dw (1987) at sa Daragang Magayon (1991).

Ilan sa mga karangalang iginawad sa kaniya ang Composer- in-Residence mula sa Bellagio Study Center/Rockefellar Foundation (1997); Artist-in- Residence mula sa Civitella Ranieri Center (1998); Achievement Award in Humanities mula sa National Research Council of the Philippines (1994); Fellowships mula sa Asian Cultural Council at The Ford Foundation(1998- 1989); at Chevalier de l’Ordre des Artes et Lettres mula sa Pamahalaang Pranses. (KLL) ed VSA

Cite this article as: Santos, Ramon. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/santos-ramon/