Lópe K. Sántos
(25 Setyembre 1879-1 Mayo 1963)
Si Lópe K. Sántos ay pangunahing manunulat at makata, lingguwista, at lider manggagawa.
Noong 1900, nagsimula si Santos bilang peryodista sa iba’t ibang diyaryo hanggang maging editor ng Muling Pagsilang, Lipang Kalabaw, at iba pa. Nakapagsulat si Santos ng sampung tomo ng mga tula. Kasáma sa mga itinuturing na mahahalagang koleksiyon niyá ang Puso at Diwa(1908), Mga Hamak na Dakila(1945), Ang Diwa ng mga Salawikain (1953), at ang tulang pasalaysay na Ang Pangginggera (1912). Sa anim na nobela niyá, tampok ang Banaag at Sikat (1906), na may diwaing sosyalista.
Isa rin siyáng kritiko ng panitikan. Kabílang sa pinakamahahalaga niyáng kritisismo ang “Peculiaridades de la poesia Tagala” (1929), “Tinging Pahapyaw sa Kasaysayan ng Panitikang Tagalog,” “Ang Apat na Himagsik ni Balagtas” (1955). Malaki rin ang naging ambag ni Santos sa pagtataguyod ng wikang pambansa. Naging direktor siyá ng Surian ng Wikang Pambansa at awtor ng Balarila ng Wikang Pambansa na naging opisyal na teksbuk sa pagtuturo ng wikang Tagalog.
Naging aktibo rin si Santos sa politika. Naging gobernador siyá ng Rizal, unang gobernador ng Nueva Vizcaya, at senador ng ika-12 distrito. Bilang senador, inakda niyá ang Araw ni Bonifacio at mga batas para mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa. Kasáma rin siyá ni Isabelo de los Reyes na nagtatag ng Union Obrera Democratica(1902). Naging pangulo rin siyá ng Union del Trabajo de Filipinas, tagapagtatag at pangulo ng Congreso Obrero.
Ipinanganak siyá noong 25 Setyembre 1879 sa Pasig, Rizal. Anak siyá nina Ladislao Santos at Victoria Canseco (nang lumaon, babaybayin ni Santos ang Canseco gamit ang titik K). Napangasawa niyá si Simeona Salazar. Maagang natuto si Santos ng pag-iimprenta sa kaniyang amang nagtatrabaho sa isang imprenta. Nag-aral siyá sa Escuela Normal Superior de Maestros at Escuela de Derecho sa Maynila at natamo ang kaniyang batsilyer sa sining mula sa Colegio Filipino. Namatay siyá noong 1 Mayo 1963. (GSZ)