Ildefónso P. Sántos Jr.

(5 Setyembre 1929—)

Si Ildefónso Páez Sántos Jr. ay kinilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura noong 2006. Tinagurian siyáng “Ama ng Modernong Arkitekturang Landscape sa Filipinas.”

Sa mga nása larangan ng pagdidisenyo, mas kilala si Santos sa tawag na IP. Higit niyáng pinili ang bumalik at pakinabangan sa Filipinas ang kaniyang kaalaman at kahusayan sa kabila ng posibilidad na maging kasosyo siyá ng isa sa pinakamalaking kompanya sa arkitekturang landscape sa Estados Unidos. Ipinakilala niyá sa bansa ang mga bagong teknik ng pagsasáma- sáma ng mga damo, halaman at palumpong hanggang sa makatuklas siyá ng sariling komposisyong magiging tatak IP.

Naging bantog ang likha ni IP na mailalarawan bilang pagtatagpo ng malalambot at matitigas na mga elemento tulad ng matutunghayan sa Makati Commercial Center na may pagsasanib ng landscape, puwente, at eskultura. Lumikha siyá ng daan-daang pampublikong espasyo, parke, hardin, liwasan, plasa, at tagpuang panlabas. Kasáma rito ang Caliraya Lake Resort sa Laguna; hardin ng Paco Park; mga natatanging hardin sa Luneta; labas ng Ayala Malls; mga likha sa mga nangungunang hotel sa Kamaynilaan(kabilang ang Manila Hotel, Manila Mandarin Hotel, Hotel Nikko Manila, Sheraton at Westin Philippine Plaza); at mga tanawin sa Malacañang, Club Filipino, Burnham Park, Mehan Garden, at Nayong Pilipino.

Si IP ay anak ni Ildefonso P. Santos na isang tanyag na guro, tagasalin, at makata at ni Asuncion Paez. Isinilang siyá noong 5 Setyembre 1929 at lumaki siyá sa Malabon. Nag-aral siyá ng kursong Pre-Med sa Unibersidad ng Pilipinas, ngunit kumuha ng kursong arkitektura sa Letran at kalaunan ay nagtapos ng Batsilyer sa Agham ng Arkitektura sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1954. Ikinasal siyá kay Amparo Romulo. Pagkaraa’y kumuha siyá ng ikalawang titulo at programang Master sa Arkitektura sa University of Southern California. Naging draftsman siyá sa isang kompanya sa arkitekturang landscape sa California. Dito nagsimula ang kaniyang panghabambuhay na pag-ibig sa larangan. (RVR) (ed GSZ)

Cite this article as: Santos, Ildefonso P. Jr.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/santos-ildefonso-p-jr/