Francisco O. Santos
(3 Hunyo 1892-19 Pebrero 1983)
Si Francisco Santos (Fran·sís·ko O Sán·tos) ay kilalá sa kaniyang natatanging pananaliksik hinggil sa kalagayan ng nutrisyong Filipino at pag-aaral sa pang-agrikulturang kemistri. Sinuri niyá ang mga sangkap kemikal ng karaniwang pagkain sa Filipinas at sinukat ang taglay nitóng bitamina at mineral. Itinaguyod niyá ang pagtatanim ng gulay at prutas sa bakuran ng mga tahanan upang may pagkunan ang pamilyang Filipino ng malulusog na pagkain. Dahil sa kaniyang kahanga-hangang dedikasyon na mapaunlad ang kalidad ng pagkaing Filipino, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (posthumous) noong 1983.
Naniniwala si Santos na ang pag-unlad ng isang bansa ay pangunahing nakasalalay sa malusog na mamamayan. Nakompirma ni Santos na ang talbos at dahon ng kamote ay nagtataglay ng mga pangunahing bitamina at maaaring gamitin upang maiwasan ang sakit na beriberi. Bukod dito, naghanap siyá ng mga tradisyonal na gulay, butil, at prutas na mayaman sa bitmina B at C. Natuklasan niyá na ang taglay na bitamina at mineral ng toge, abokado, okra, duhat, at malagkit na bigas ay makasasapat upang tugunan ang pang-arawaraw na pangangailangan sa sustansiya ng isang Filipino.
Isang tanyag na edukador at administrador din si Santos. Mahusay niyáng napamunuan ang Kolehiyo ng Agrikultura noong panahon ng pananakop ng mga Japanese sa Filipinas. Nagsilbi siyá sa UP Los Baños ng 45 taón. Dahil sa kaniyang pagpupunyagi, naitatag ang Institute of Nutrition noong 1948. Ang ahensiyang ito ang naging Food and Nutrition Research Institute ngayon.
Isinilang si Santos noong 3 Hunyo 1892 sa Calumpit, Bulacan at anak nina Miguel Santos at Maria Alvarez. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Arte at Master sa Biochemistry sa UP. Ipinadalá siyá ng pamantasan sa Yale University upang kumuha ng doktorado sa Biochemistry. Nagbalik siyá sa UP upang ipagpatuloy ang pagtuturo sa Kolehiyo ng Agrikultura. Matapos ang pagreretiro noong 1959, ipinagkaloob sa kaniya ng pamantasan ang titulong Professor Emeritus sa Pang-agrikulturang Kemistri. Namatay siyá noong 19 Pebrero 1983. (SMP) (ed VSA)