Lucio D. San Pedro

(11 Pebrero 1913-31 Marso 2002)

Ginawaran ng Pambansang Alagad ng Sining sa Musika si Lucio D. San Pedro (Lú·syo Di San Pédro) noong 1991. Isa siyáng mahusay na kompositor, konduktor, at guro.

Isa sa bantog na obra ni San Pedro ay ang “Sa Ugoy ng Duyan” noong 1943. Orihinal na nilikha para sa isang paligsahan, ang inspirasyon ay nagmula sa oyayi ng kaniyang ina noong siyá ay batà pa. Ipinagawa niyá kay Levi Celerio ang lirika nang magkita ang dalawa sa barko. Samantala, ang komposisyong “Lahing Kayumanggi” noong 1961 na para sa isang bándang simponika ang nagpatampok sa taguri sa kaniya bilang malikhaing makabayan. Ilan pa sa kaniyang mga obra para sa orkestra ay ang“The Devil’s Bridge” (1937), “Malakas at Maganda Overture” (1938), “Ang Palabas Bukas” (1979) at “Visayan Fantasy” (1984); para sa musikang koro: “Easter Cantata” (1950), “Sa Mahal Kong Bayan” (1950), at “Alamat ng Lahi” (1998); Musika na may lirika: “Lulay” (1943), “In the Silence of the Night” (1947), “Diwata ng Pag-ibig,” (1957) at “The Last Testament” (1987); Musika para sa Banda: Overture in Bb major“The Voyage” (1935), “Victory in Parade” (1943) at“Angononian March” (1979).

Kabílang sa mga karangalan niyá ang Republic Cultural Heritage Award (1962); Professor Emeritus mula sa UP College of Music (1979); Tanglaw ng Lahi Award mula sa Ateneo de Manila University (1982); Signum Meriti Medal mula sa De La Salle University (1983); Patnubay ng Sining at Kalinangan Award mula sa Lungsod Maynila (1984); Asean Award for Music (1990); Ph.D. in Humanities ng UP (1991).

Ipinanganak siyá noong 11 Pebrero 1913 sa Angono, Rizal kina Elpidio San Pedro at Soledad Diestro. Ikinasal siyá kay Gertrudes Diaz at may limang anak. Nagtapos siyá noong 1932 sa Unibersidad ng Pilipinas Conservatory of Music sa dalawang kursong Composition at Conducting at karagdagang pagaaral sa Juilliard School of Music. Naging guro siya sa St. Scholastica’s College, La Concordia College, Philippine Women’s University, Santa Isabel College, St. Paul College, St. Joseph’s College, Centro Escolar University, at sa UP Conservatory of Music. Namatay siyá noong 31 Marso 2002 dahil sa atake sa puso. (RVR)(ed GSZ)

Cite this article as: San Pedro, Lucio D.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/san-pedro-lucio-d/