Luciano San Miguel
(7 Enero 1875-27 Marso 1903)
Isa sa mga unang pinunò ng Himagsikang 1896 sa Cavite at patuloy na naglingkod sa bayan hanggang masawi sa Digmaang Filipino-Americano, isinilang si Luciano San Miguel (Lus·yá·no San Mi·gél) noong 7 Enero 1875 sa Noveleta, Cavite kina Regino San Miguel at Gabriela Saklolo. Nag-aral siyá sa Ateneo de Manila, ngunit nauwi sa pagiging mananahi, at pagkaraan, inspektor sa asyenda ni Pedro Roxas saa Nasugbu, Batangas. Noon niya nakilála si Maria Ongcapin, at nakatakda siláng ikasal nang sumiklab ang Himagsikang 1896.
Umuwi siyá sa Cavite at umanib sa Katipunang Magdiwang. Mabilis siyáng nataas sa ranggong koronel, namunò ng isang yunit sa Nasugbu, at ipinagtanggol ang bayan sa puwersang Español. Isang malaking labanang nilahukan niya ang pagsalakay sa San Francisco de Malabon noong 26 Agosto 1897. Nang bumalik si Aguinaldo mulang Hong Kong ay muling nagprisinta si Luciano at ginawang pinunò sa Bulacan, Morong, Batangas, Laguna, at Maynila. Hinirang siyáng “talibang pandangal” o honor guard ni Aguinaldo at kayá tinawag na “heneral’ ng kaniyang mga alagad. Gayunman, hinangaan ang kaniyang liderato sa Digmaang Filipino-Americano at nagkaranggo siyáng brigadier-general, bukod sa hinirang na kinatawan ng Negros Oriental sa Kongresong Malolos.
Nang natatalo ang hukbo ng Republikang Malolos, naisip niyang buhayin ang Katipunan noong Disyembre1899. Nang madakip si Aguinaldo, nahalal siyáng kataastaasang pinunò ng natitirang puwersang rebolusyonaryo. Ipinasiya niyang magsagawa ng gerilyang pakikibáka, at namatay noong 27 Marso 1903 sa Labanang Koral-na- Bato sa Antipolo, Rizal. Sinasabing namatay siyáng hawak pa ang baril at espada at umusal ng “Ang mamatay para sa Inang Bayan at para sa kaniyang kalayaan—ito lámang ang tunay na kaligayahan at karangalan!” (GVS)