Pédro Sámson
(31 Enero 1865-6 Mayo 1920)
Pangkalahatang heneral ng mga rebolusyonaryo sa Bohol mulang 1899 hanggang sa Digmaang Filipino-Americano. Napilitan siyáng sumuko sa mga Americano dahil sa ginagawang pagsúnog ng mga mananakop sa mga bayan ng Bohol at bantang pagsúnog sa Tagbilaran.
Ipinanganak si Pédro Sámson sa Imus, Cavite noong 31 Enero 1865 at isang mestiso dahil Español ang amang si Manuel Samson at Filipina ang inang si Marcela Esguerra. Nag-aral siyá sa Colegio de San Juan de Letran ngunit hindi natapos ang kursong sekundarya. Sumáma siyá sa isang tiyo sa Davao, naglingkod sa militar, at naging sarhento. Napangasawa niya si Cayetana Tabunda noong1882 at nagkaroon silá ng tatlong anak. Nang mamatay si Cayetana, pinakasalan naman ni Pedro si Manuela Rodriguez. Nang umalis siyá sa serbisyo militar, lumipat siyá sa Cotabato at naging gobernadorsilyo ng bayan noong1898. Hindi niya natapos ang tungkulin dahil nagboluntaryo siyá sa mga loyalistang sundalo nang mag-alsa si Leon Kilat sa Cebu. Nang matalo ang mga manghihimagsik, nagtrabaho siyá sa Audiencia Territorial de Visayas hanggang maimbitahang magtira sa Bohol noong 1899.
Itinatag noon ang pamahalaang federal ng Bohol sa ilalim ng Republikang Malolos at nahirang si Padro na pangkalahatang heneral ng hukbo nitó at may ranggong koronel. Nang dumating ang mga Americano, pinilì niyang mamundok at manatiling pinunò ng hukbong gerilya. Kinilála ang kaniyang tapang at husay kayâ tinangkilik ang hukbo ng mga mamamayan. Dumanas ng hirap ang mga Americano sa paghanap sa kaniya, bukod sa natalo ang mga Americano sa maraming engkuwentro dahil sa mga ginamit na taktikang gerilya ng mga Boholano. May ulat na 20 sa 35 bayan noon sa lalawigan ang sinúnog ng mga Americano. Sumúko lámang si Koronel Samson noong 23 Disyembre 1901 sa pangakong amnestiya.
Pagkaraan ng digmaan, ipiniit siyá sa kasong sedisyon ngunit tinulungan siya ni Ispiker Sergio Osmeña Sr. upang makalaya. Nagbalik siyá sa Valencia, at pagkaraan sa Candijay, upang magsaka. Nahalal pa siyáng alkalde ng Candijay ngunit nagkasákit ng kanser. Namatay siyá sa Valencia noong 6 Mayo 1920. (GVS)