sampagíta

Ang sampagíta (Jasminum sambac) ay isang uri ng hasmin na may maliliit at mababan-gong puting bulaklak. Ang likas na pagtubò nitó ay katulad ng isang baging ngunit dahil mas gusto ng mga nag-aalaga nitó na manatiling mababà ang punò, lagi itong tinatabas. Ang mga dahon nitó ay maliliit, pabilog, kulay berde at makintab. Itinakda ito bilang Pambansang Bulaklak noong 1 Pebrero 1934 ni Gobernador Heneral Frank Murphy. Dahil sa anyo nitó, lalo na ng mga bulaklak nitó—puti, hugis bituin, maliit, at mabango—itinu-turing itong sagisag ng pagiging tapat, dalisay, at payak.

Madalas itong gamiting palamuti. Tinutuhog ang mga bulaklak nitó sa may tangkay at ginagawang kuwintas. Isinasabit ito sa mga turista, panauhing pandangal, o sa mga magsisipagtapos na mag-aaral. Ginagawa rin itong dekorasyon sa mga sasakyan. Ginagamit din ito bilang alay sa mga santo at palamuti sa simbahan. Tampok na bulaklak din ito sa mahahalagang okasyon tulad ng Flores de Mayo at mga prusisyon.

Sa ibang mga bansa na may tanim ding sampagita o kahalintulad nitó, nagagamit din ang mga bulaklak nitó bilang tsaa. Nagiging sangkap din ang matamis at mahalimuyak na katas ng bulaklak nitó sa paggawa ng pabango. Ginagamit din ang mga bulaklak o dahon nitó sa paggawa ng gamot para sa lagnat, ulcer, at pamamaga ng mata.

Ito ay sinasabing nagmula sa bansang India at kumalat sa buong Asia at iba pang mga karatig bansa. Namumulaklak ito sa panahon ng tag-init at namumunga ng maliliit na itim na madalas makikita sapagkat inaani agad ang mga bulaklak nitó. Mahigit sa dalawang daan ang species ng Jasminum at isa na dito ang ating pambansang bulak-lak. Mainam sa pagtubò ng halamang sampagita at pamumulaklak nitó kung ito ay direktang nasisinagan ng araw. (SAO) (ed GSZ)

 

Cite this article as: sampagíta. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/sampagita/