samarál
Ang isdang samarál ay kabilang sa pamilya Siganidae. Ito ay kilalá rin sa tawag na danggit, malaga, o alama. Matatagpuan sa Indo-Pasipiko at silangang bahagi ng Mediterranean. Nakatira sa baybay, bahura, estuwaryo, at sa mga malalawak na lawa na may mga alga.
Ang bawat palikpik sa likod ng samaral ay may tatlong malambot na guhit sa pagitan ng panloob at panlabas na tinik. Ang palikpik sa likod ay may 13 matitibay na tinik samantalang pitó naman ang tinik ng palikpik sa puwit. Nagtataglay ng mga makamandag na tinik. Lahat ng espesye ay kumakain ng halamang-dagat at nangingitlog sa ibabaw ng tubig.
May 28 espesye ng samarál ang naitalâ, at isa sa mga ito ay Siganus canaliculatus. Ang katawan ay hugis bilog at pikpik. Ang taas ng katawan ay 3.2 ng kabuoang habà nitó. Ang palikpik sa pektoral ay kasinghaba ng ulo at ang ulo ay medyo malukong sa itaas ng matá. Ang palikpik sa likod ay may tinik na matalas at nakausli paharap. Ang katawan ay kulay-pilak na abo sa itaas at kulay-pilak sa ibabâ. Medyo berdeng oliba ang batok at itaas ng ulo. Meron ding batik-batik na kulay krema at madilim na kayumanggi . Karaniwang may madilim na patse sa ibaba ng linya sa tagiliran ng katawan. Ang espesye na ito ay medyo hawig sa Siganus fuscescens ngunit naiiba dahil sa mas matulis nitóng nguso at mas mahabàng palikpik sa pektoral. Ang padron ng kulay ay katulad sa Siganus argenteus at Siganus fuscescens. Ang karaniwang habà ay 20 sentimetro at ang pinakamalaking naitalâ ay 30 sentimetro.
Ang samarál ay kalimitang nása mababatong lugar. May kakayahan ding manatili sa malalabong tubig na nása bukana ng ilog at paligid ng lusay. Ang mga tigu-lang ay nakikita rin ilang kilometro ang layo sa baybay, sa malalalim at malinaw na tubig. Kumakain ng alga at lusay. Kadalasang ibinebenta nang sariwa, inasnan o ginawang bagoong na kung tawagin ay padas. Karamihan sa makukulay na samaral ay kilala sa kalakalan ng pag- aakwaryum. (MA) ed VSA