Samaon Sulaiman
Gawad Manlilikha ng Bayan
Ipinagkaloob kay Samaon Sulaiman (Su·má·on Su·láy·man), gayundin sa mga Kutyapi Artist ng Maganoy, Maguindanao, ang Gawad Manlilikha ng Bayan noong1993 para sa kaniyang natatanging kasiningan at dedikasyong patuloy na tugtugin ang kutyapi sa panahong hindi na ito ginagamit sa maraming bahagi ng Mindanao
Sa larangan ng musika, kakaunti lámang sa mga komunidad pangkultura ng Filipinas ang maipapantay sa mga Magindanaw. Ang kahusayan nila sa pagtugtog ng kutyapi ay maikokompara sa mga musikero mula sa Silangan at Hilaga. Mayroong iba’t ibang disenyo, hubog, at laki ang kutyapi.Tinatawag ito sa iba’t ibang pangalan ng iba’t ibang komunidad pangkultura tulad ng kotapi (Subanon), fegereng (Tiruray), faglong (Bilaan), hegelong(Tiboli), at kuglong o kudlong (Manobo).
Ang kutyapi ng mga Magindanaw ay isa sa mga pinakamahirap tugtugin sa mga tradisyonal na instrumentong Filipino. Pangunahing dahilan ito kung kayâ’t hindi nahihikayat ang mga nakababatàng henerasyong pag- aralan ito. Bagaman dadalawa lámang ang kuwerdas, komplikado itong tutugtugin. Hábang ang unang kuwerdas ay lumilikha ng regular at monotonong tunog, ang pangalawa ay nagtataglay naman ng naigagalaw na fret na nagbibigay ng melodiyang maaaring tugtugin sa dalawang pentatonikong eskala.
Labintatlong taóng gulang lámang si Samaon Sulaiman nang matutuhan niyá ang pagtugtog ng kutyapi mula sa kaniyang tiyuhin. Ngayon, siyá na ang kinikilalang maestro at guro ng instrumentong ito sa Libutan at sa iba pang barangay sa bayan ng Maganoy. Naipamamalas niyá ito sa lawak ng musikang kaniyang tinutugtog tulad ng dinaladay, linapu, minuna, binalig, at iba pang porma at estilong nagpapakita ng kapinuhan at sensibilidad na malilikha ng naturang instrumento. Mahusay rin si Samaon Sulaiman sa pagtugtog ng kulintang, agung, gandingan, palendang, at tambul. Bukod sa pagiging musikero, kilala rin siyáng barbero sa kanilang komunidad at isang imam sa masjid sa Libutan. (GB) (ed GSZ)