salúyot
Ang salúyot ay isang uri ng halamang gulay na karaniwang ginagamit sa pagluluto. Ang siyentipikong katawagan dito ay Corchorus Olitorius na nagmula sa pamilyang Malvaceae ng mga halaman. Ang pamilyang Malvaceae ay binubuo ng 40 hanggang 100 uri ng halaman. Ito ay nabubuhay sa mga tropiko at subtropikong lugar sa mundo. Ang halamang ito ay may mayayabong na dahon na maaaring ihawig sa halamang espináka. Madalî ang pag-paparami ng ganitong uri ng halaman sapagkat hindi na ito nangangailangan ng patabâ o abono. Ang mga dahon nitó ay maaari nang gamitin matapos lámang ang isang buwan mula nang ito’y itanim.
Sa Filipinas, ito ay karaniwang matatagpuan sa rehiyon ng Ilocos. Kadalasang ginagamit ng mga Ilokano ang salúyot na panghalò sa mga inilulutong gulay. Ito ay kilalá sa tawag na pasaw na bilog o tagabang sa mga Tagalog at lumbal, sumpaw panigbin naman sa mga taga-Bisaya. Katulad ng okra, ang dahon nitó ay nagiging madulas kapag ito’y naluto na. Ang salúyot ay mayaman sa betacarotene na nakakapagpalinaw ng paningin. Mayroon rin itong kalsiyum na nakakapagpatibay ng buto at bitamina C para sa madulas, makinis, at magandang balát. Nakakatulong din ito para sa mabilis na paghilom ng sugat.
Ang saring Corchorus ay unang ginamit ni Linnaeaus sa kaniyang Species Plantarum taong 1753. Ito nagmula sa salitâng Griego na korkhoros o korkoros na ang ibig sabihin ay “isang ligaw na tanim.” (SSC)