Vicente Salumbides

(31 Agosto 1893-7 Agosto 1979)

Si Vicente Salumbides (Vi·sén·te Sa·lum·bi·des) ay isang direktor, prodyuser, at aktor. Itinuturing siyáng tagapanguna ng pelikula sa Filipinas.

Isinilang siyá noong 31 Agosto1893 sa Lopez, Quezon kina Pio Salumbides at Trinidad Aranillo. Itinigil niya ang abogasya sa Southern California, USA upang sumali sa Allied Forces sa France sa ilalim ni Hen. Pershing noong Unang Digmaang Pandaigdig. Naging extra siyá sa Famous Players Studio sa Hollywood. Bumalik siyá sa Filipinas para tapusin ang abogasya noong 1922. Nagtrabaho siyá bílang company lawyer sa Philippine Trust Company.

Nang magbalik sa bansa, nanguna siyá sa lokal industriya ng pelikula. Nagsimula siyang magtrabaho sa sinematograpiya kasáma si Jose Nepomuceno. Ang una niyang pelikula, ang Miracles of Love (1925), ay nagpakilála ng maraming bago sa lokal na pelikula gaya ng makeup, closeup, at cut back scene. Nagsiganap dito sina Elizabeth Cooper, Jose Carvajal, Hermogenes Ilagan at Juanita Angeles. Pumatok ito sa takilya at pinuri nina Msgr. Gregorio Aglipay at Felipe Buencamino. Pinagaganap niya madalas sa kaniyang mga pelikula ang ilang anak mayaman at estudyante mula sa eksklusibong paaralan upang maiwaksi sa isipan ng mga manonood ang prehuwisyo laban sa lokal na pelikula. Ang kaniyang ikatlong pelikulang Soul Saver (1927) ay kuwento ng kaniyang búhay at pag-ibig, at mayroong kuha mismo sa kaniyang kasal kay Rosario Panganiban.

Matapos maging kinatawan sa 1935 Kumbensiyong Konstitusyonal, bumalik siyá sa paggawa ng pelikula noong1936. Noong 1938, nagbitiw siyá ng tungkulin bílang production manager ng Parlatone Hispano- Filipino Inc, at binuo ang kaniyang Salumbides Film Co Ltd. Noong1939, kasáma ang kaniyang mga naging partner, inilabas niya ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas. Gumawa siyá ng dalawa pang pelikula para sa kaniyang kompanya, Anghel sa Tukso (1940) at Krisantemo (1941). Naging direktor siyá ng Ibong Adarna (1941) ng LVN Pictures bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. (KLL)

Cite this article as: Salumbides, Vicente. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/salumbides-vicente/

Related Articles