Salígang-Batás ng Filipínas
Ang Salígang-Batás ng Filipínas ang kataas-taasang batas ng bansa at batayan ng lahat ng batas at opisyal na kautusang maaaring pagtibayin ng Kongreso at Pangulo. Kalipunan ito ng mga nasusulat na patakarang dapat sundin ng buong bansa. Itinatakda ng Salígang-Batás ang mga bagay na dapat gawin ng estado at pamahalaan para sa mamamayan; at ang mga tungkulin ng mamamayan sa estado at pamahalaan. Isinasaad din nitó ang mga bagay na hindi dapat gawin ng pamahalaan.
Ang “salígang-batás” ay salin ng konstitusyón (constitucion o constitution) sa Español o sa Ingles. Sa kalakhan, ang lahat ng naging salígang-batás ng Filipinas ay naglalarawan ng mga karapatan ng mamamayan at mga pananagutan ng pamahalaan. Itinatakda nitó ang anyo ng pamamahala sa Filipinas at paano pipiliin ang mga pinunò ng bansa. Inilalahad din ng konstitusyon ang mga pangkalahatang patakaran ng estado at ang mga tungkulin at gawain ng mga pangunahing sangay ng gobyerno. Ang salígang-batás din ang batayan ng pagbubuo ng mga lupong konstitusyonal.
Ang Konstitusyong Biyak-na-Bato at Konstitusyong Malolos ang mga unang salígang-batás sa Filipinas. Ito ang naging legal na batayan sa pag- iral ng rebolusyonaryong pamahalaan ni Heneral Emilio Aguinaldo. Ang Konstitusyong1935 ang naging batayan ng Pamahalaang Komonwelt na pinamunuan nina Pangulong Manuel Quezon at Pangulong Sergio Osmeña. Ginamit rin ito ng malayang Republika ng Filipinas mula 1946 hanggang1972. Nilusaw ang Konstitusyong 1935 nang magdeklara si Pangulong Ferdinand Marcos ng Batas Militar noong 1972. Pinalitan ito ng Konstitusyong 1973 na binalangkas ng isang Kumbensiyong Konstitusyonal noong1971. Nang malansag ang pamamahala ni Marcos noong1986 ay kasabay ding nilusaw ang Konstitusyong 1973. Pinalitan ito ng Konstitusyong 1987 na umiiral hanggang sa kasalukuyan. (SMP) (ed VSA)