sáleng
Ang sáleng (Pinus kiseya) ay isa sa dalawang uri ng punòng píno na matatagpuan sa Filipinas. Makikita ito sa kabundukan ng Benguet, at sa iba pang bahagi ng hilagang Luzon. “Sáleng” ang katutubong salita para sa pino sa rehiyong iyon. Ang sari o species na ito ay kilalá rin sa tawag na Benguet pine, Khasi pine o Three-needle pine.
Katulad ng lahat ng sari ng pino, tila karayom ang hugis ng mga dahon ng sáleng. Kulay berde ang mga ito. Ang ikinaiba ng saleng sa ibang sari ng pino ay kadalasang tatluhan ang mga dahon nitó o tatlong dahon ang tumutubò sa isang fascicle. Kayâ naman tinawag itong na Three-needle pine.
Tuwid ang punò ng saleng at karaniwang umaabot ang taas nitó sa 30 hanggang 35 metro. Ang balát ng kahoy na ito ay makapal at kulay tsokolate. Ang mga sanga naman ng saleng ay tuwid ngunit pabalagbag ang pagtubò. Ginagamit ang malambot at mapusyaw na kahoy ng saleng para sa paggawa ng kahoy na kahon, papel, at poste ng koryente. (ACAL) ed VSA