Juan S. Salcedo Jr.
(29 Setyembre 1904-25 Oktubre 1988)
Kilala si Juan S. Salcedo Jr. (Hu·wán Es. Sal·sé·do) bilang taliba ng pampublikong kalusugan at nutrisyon sa Filipinas. Ginugol niyá ang malaking bahagi ng kaniyang buhay sa pananaliksik upang maitaas ang kalidad ng kalusugan ng mamamayan. Pinangunahan niyá ang mga pambansang kampanya upang supilin ang paglaganap ng sakit na beriberi, malarya, at tuberkulosis. Bilang pagkilála, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong Hulyo 1978.
Si Salcedo ang namunò sa malawakang pagsasaliksik upang malipol ang sakit na beriberi sa Filipinas. Pinamunuan din niyá ang isang pambansang pagkilos laban sa malarya. Sinimulan niyá ito sa pagbabakuna sa mga batà at pagbuo ng mga pangkat na lilipol sa mga lamok na may daláng sakit. Ang pagbubuo ng mga sentrong pangkalusugan sa kanayunan ang isa sa pinakamalaking ambag ni Salcedo sa pagpapaunlad ng pampublikong kalusugan. Bilang kalihim ng Departamento ng Kalusugan noong1950, sinimulan niyá ang pag-oorganisa ng tinatawag na Rural Health Unit.
Si Salcedo ay kilalá rin bilang isang mahusay na administrador at guro. Mula 1945 hanggang 1947, naging direktor siyá ng Philippine Relief and Rehabilitation Administration at kinatawan sa United Nations ng naturang ahensiya. Siyá ang unang direktor ng Institute of Nutrition na lumao’y naging Nutrition Foundation of the Philippines. Noong 1950, itinalaga siyá ni Pangulong Elpidio Quirino bilang kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan. Naging tagapangulo rin siyá ng National Science Development Board noong 1963.
Isinilang si Salcedo noong 29 Setyembre 1904 sa Pasay, panganay na anak nina Juan Salcedo Sr. at Felipa Sanchez. Nagtapos siyá ng medisina sa Unibersidad ng Pilipinas at naging kapitan ng Medical Corps ng hukbong katihan ng Filipinas. Nag-aaral siyá sa Estados Unidos nang pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Natapos niyá ang master sa Biochemistry sa Columbia University noong1943 at nagpatuloy ng mataas na pagsasanay sa pampublikong kalusugan sa Johns Hopkins University. Nakasáma siyá nina Heneral Douglas MacArthur at Pangulong Osmeña sa pagbalik sa Filipinas noong Oktubre 1944. (SMP) (ed VSA)