Rafael M. Salas
(7 Agosto 1928-4 Marso 1987)
Si Rafael M. Salas (ra·fa·él eM Sá·las) ay isang abogado, guro, manunulat, at diplomata na nagsilbing unang pinunò ng United Nations Population Fund (UNFPA). Mahusay niyang ginabayan ang paglago ng mahalagang internasyonal na ahensiyang ito. Humawak din siyá ng ilang posisyon sa mga pamantasan at pamahalaan, at naging Kalihim Ehekutibo ng Filipinas.
Pagkatapos ng pag-aaral sa UP at sa Harvard, bumalik si Salas sa Filipinas upang humawak ng iba’t ibang posisyon sa akademya. Noong 1966, itinalaga siyá ni Pangulong Ferdinand Marcos bilang Executive Secretary. Pinangunahan din niya ang matagumpay na kampanya ng gobyerno na pataasin ang ani ng bigas. Mula 1962 hanggang 1969, naging kasapi siyá ng iba’t ibang delegasyon ng Filipinas sa mga pandaigdigang kumperensiya. Siyá ang naging bise presidente ng International Conference on Human Rights sa Iran noong 1968. Noong sumunod na taon, nagbitiw si Salas mula sa gabinete ni Pangulong Marcos dahil sa hindi pagkakasundo ng dalawa.
Tinanggap naman niya kaagad ang alok na maging kaunaunahang direktor ng United Nations Fund for Population Activities, na ngayon ay kilala bilang United Nations Population Fund. Kilalá siyá sa pagtaguyod sa UNFPA mula sa pagiging maliit na trust fund tungo sa pagiging pinakamalaking tagabigay ng tulong ukol sa mga isyu ng populasyon sa buong mundo. Tinagurian siyáng “Mr. Population” ng pandaigdigang komunidad. Nakapag-ambag siyá ng malaking lawas ng mga sulatin tungkol sa pamamahala at populasyon sa anyo ng mga aklat, lathalaan, magasin, at diyaryo. Pumanaw siyá hábang hawak ang tungkuling ito.
Isa si Salas sa pinakapremyadong Filipino ng kaniyang panahon. Nakatanggap siyá ng 30 honorary degree, honorary professorship, at premyong pang-akademya mula sa mga pamantasan sa 25 bansa. Pinangalanan siyáng “Man of the Year” ng Asia Weekly Examiner at “Diplomat of the Year” ng Diplomatic World Bulletin, at ginawaran ng Order of Mahaputra ng Indonesia, Knight Grand Cross ng Order of the White Elephant ng Thailand, Panglima Mangku Negara ng Malaysia, at Order of Scientific Merit ng Romania. Bilang manunulat, may-akda siyá ng ilang aklat tungkol sa populasyon, at dalawang koleksiyon ng mga tula.
Isinilang siyá noong 7 Agosto 1928 sa Bago, Negros Occidental, kina Ernesto Araneta Salas at Isabel Neri Montinola. Nagtapos siyáng magna cum laude sa Unibersidad ng Pilipinas noong1950. Pagkaraan ng tatlong taon, nagtapos naman siyá ng abogasya cum laude sa nasabing pamantasan. Pumasok siyá sa Harvard University at nagtapos ng digring masteral sa public administration noong 1955. Pumanaw siyá noong 4 Marso1987 habang naghahandang bumalik sa Filipinas pagkatapos ng pagkakatalsik kay Pangulong Marcos. Bilang paggunita sa kaniyang ambag sa United Nations, pinasimulan ng UNFPA ang Rafael M. Salas Memorial Lecture sa UN Headquarters sa New York, Estados Unidos. Ilan sa mga naging tagapagsalita sa prestihiyosong panayam na ito ay mga pinunò at opisyal ng pamahalaan at mga internasyonal na ahensiya, kabilang si Pangulong Fidel V. Ramos. (PKJ) ed VSA