saláguntíng
Ang saláguntíng o higop-hangin (Fregata minor) ay isang malaking migratoryong ibon sa pamilya ng mga frigate. Mayroon itong habà na 85 hanggang 105 sentimetro, may mahahabàng pakpak at malagunting na buntot, at nababalot ng itim na balahibo. Ang mga ba-baeng salagunting ay mas malaki kaysa lalaki at mayroong putîng leeg at dibdib. Ang lalaking salagunting naman ay mayroong puláng leeg at dibdib at malalilang lungti ang kulay ng balahibo sa likod. Ang mga inakay naman ay mayroong itim na plumahe, malakalawang ang kulay ng ulo, at putîng mukha at dibdib. Tuwing panahon ng paghahanap ng kapareha, pinapipintog ng lalaki ang puláng butse nitó sa dibdib. Karaniwang kumakain ng isda at pusit na matatagpuan sa karagatan. Dinadagit din nitó ang inakay ng ilang uri ng ibong naninirahan sa tubigan.
Ang panahon ng pagpapaami ng salagunting ay tumatagal nang dalawang taon mula sa paghahanap ng kapareha hanggang sa pagtatapos ng pag- aalaga sa mga inakay. Umaabot sa libo-libong pares ang magkakasáma sa isang kolonya. Ang mga lalaking salagunting ang nangangalap ng mga gagamitin sa pagbuo ng pugad na matatagpuan sa mga dalampasigan o kayâ naman ay inaagaw ang ibang pugad ng ibon. Madalîng napupunô at natutuyuan ng mga ipot ang pugad nitó dahil walang gaanong ginagawa upang panatilihing malinis ito. Isang itlog lamang ang inilalabas ng babaeng salagunting na salítang nililimliman ng babae at lalaki nang 55 araw. Kapag nawala ang itlog, maghihiwalay ang magpares na ibon upang muling humanap ng bagong kapareha. Ang pag-aalaga naman sa mga inakay ay tumatagal nang apat hanggang anim na buwan depende sa kondisyon ng karagatan at sa dami ng pagkain sa lugar. Karaniwang naglalaro ang mga inakay na salagunting sa paghuli sa maliit na kahoy bago ito mahu-log sa tubig bilang paghahanda at pagpapaunlad ng liksi sa paglipad na kinakailangan sa paghúli ng mga isda.
Tinatawag ding saláguntíng ang isang uri ng tipaklong na lungtian ang buong katawan na patulis at gayundin ang mga pakpak kayâ mstulang gunting kapag lumilipad. Sa naturang pigurang tila gunting nagmula ang pangalang saláguntíng para sa estrukturang binubuo ng tatlong poste na pinag-uugnay sa dulong itaas at ginagamit sa pagsalok ng tubig sa balon at pagtataas ng mabigat na bagay na inihuhugos sa isang hukay.(KLL) ed VSA