Sakdál

Isang kilusan ng mga magsasaka ng Katagalugan na itinatag ni Benigno Ramos noong 1930 ang Sakdál. Bagama’t nag-umpisa ito bilang pahayagan na kumikiling sa interes ng mga “mahina, mahirap, at inaapi,” ang mabilisang pagdami ng mga kasapi nitó, na tinatawag na Sakdalista, ang nag-udyok kay Ramos na gawin itong isang partidong pampolitika noong 1933.

Naniniwala ang mga Sakdalista na ang sistema ng edukasyon, ang mga base militar ng mga Americano, ang pagpapaloob ng Filipinas sa malayang kalakalan, at ang paghawak ng Simbahan at ng iilang Filipino at banyaga sa yaman ng bansa ang mga pangunahing sanhi ng kahirapan ng nakararami. Isinulong ng samahan ang pagpapababà ng buwis, reporma sa lupa at ang pagtutol sa lahat ng mga patakaran ng Partido Nacionalista ni Pangulong Manuel L. Quezon.

Noong 1934, nagpatakbo at nagpapanalo ang Sakdal ng mga kandidato para sa mga posisyon ng gobernador, kinatawan, at konsehal sa mga lalawigang Katagalugan sa ilalim ng plataporma ng pagtutol sa Batas Tydings-McDuffie at ng pagtatatag ng Komonwelt. Sa gabi ng 2 Mayo1934, dalawang linggo bago idaos ang plebisito ukol sa Konstitusyon ng Komonwelt, sabay-sabay na nilusob at pansamantalang napasakamay ng mga Sakdalista ang mga munisipyo ng 14 na bayan sa mga lalawigan ng Laguna, Rizal, Cavite, Tayabas (Quezon) at Bulacan. Gayunman, ang nasabing pag-aalsa, na nagresulta sa pagkamatay ng100 miyembro, ay dagliang nasupil ng mga awtoridad. Hindi naglaon ay tuluyang nanghinà ang nasabing grupo lalo na matapos lumisan si Ramos patungong Japan.

Bagama’t nabigo ang Sakdal sa kanilang mga layunin, inamin ng isang ulat ng mga Americano na nagsiyasat sa pangyayari na ang nasabing pag- aalsa ay nakaugat sa masamâng kalagayang sosyo-ekonomiko ng Filipinas. (MBL) (ed GSZ)

Cite this article as: Sakdal. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/sakdal/