Bartolome Saguinsin

(1694-1 Marso 1771)

Si Bartolome Saguinsin (Bar·to·lo·mé Sa·gin·sín) ang una at kaisa-isang Filipino na sumulat at naglathala ng isang aklat ng tula sa wikang Latin. Siyá rin ang maituturing na unang Indio na nahirang na tagasulit sa teolohiyang moral sa arkediyoseso ng Maynila.

Walang gaanong ulat hinggil kay Batolome. Ipinalalagay na isinilang siyá noong 1694 sa Antipolo, mula sa isang tinitingalang pamilyang Tagalog na maaaring isang sinaunang maharlika. Nag-aral siyá sa isang paaralang Heswita sa Antipolo. Isa siyá sa mga unang katutubo na pumasok sa Colegio de San Jose sa Maynila. Naging paborito siyá ni Obispo Domingo de Valencia at isinama siya nitó nang madestinong obispo sa Nueva Caceres noong 1715. Dahil nasiyahan sa kaniyang paglilingkod, inirekomenda siyá ng obispo na maging pari na naganap noong1717. Siyá sa gayon ang unang katutubo na naging pari.

Noong 1721, nalipat siyá sa Quiapo at naging kura paroko noong 1728. Ang unang paring Filipino na humawak ng gayong karangalan sa puso ng sentrong kolonyal sa Filipinas. Hinawakan niya ang puwesto hanggang 1768 nang mahirang siyáng tesorero sa Katedral ng Maynila. Muli ang unang Filipinong humawak ng gayong posisyon bagaman muli siyáng naging pari ng Quiapo noong 1770. Marami pa siyang ginampanang tungkulin bago namatay noong 1 Marso 1771.

Ang kaisa-isang naiwan niyang akda ay ang Epigrammata(1766), isang maliit na aklat, binubuo ng 21 pahina at naglalaman ng 12 epigrama sa wikang Latin. Ito ang kaisa-isa at unang librong sinulat ng isang Filipino sa Latin. Gayunman, mas mahalaga, ito ang unang aklat ng tula na inilathala ng isang Filipino. Ang mga tula ay pumapaksa sa mga pangyayari sa Pananakop ng mga Ingles sa Maynila(1762-1764) at bunga ng paglahok ni Bartolome sa pagtatanggol sa ilalim ni Gobernador Simon de Anda y Salazar. Iniwan ni Bartolome ang parokya at naglingkod kay Anda sa pagtatanggol ng España laban sa mga Ingles. Dalawang taon pagkaalis ng mga Ingles ay inilathala ni Bartolome ang Epigrammata bilang parangal kay Anda.. May nagsabing maraming prayle ang nagalit kay Bartolome dahil poot silá kay Anda. Ngunit ang higit na nakapagtataká, wika ni Resil Mojares (2013) ay nakasulat sa Latin ang unang aklat ng tula ng isang Filipino. (ABSM)

Cite this article as: Saguinsin, Bartolome. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/saguinsin-bartolome/