sábukót
Ang sábukót (Centropus viridis) o Philippine coucal ay isang species ng cuckoo sa pamilyang Cuculidae. Katamtaman ang laki nitó na humahabà nang 30-34 sentimetro, itim ang tuka at balahibo ng katawan at buntot, at mamulá-mulá ang mga pakpak at matá.
Ang mga coucal ay karaniwang mayroong mahabàng kuko sa panlikod na daliri. Ang genus na Centropus ay mula sa salitang Griego na kentron na nangangahulugang talim at pous na nangangahulugang paa—tumutukoy sa mahabàng kuko nitó. Karaniwang mga mandaragit na oportunista ang genus na ito—makikita ang ilang halimbawa sa mga pag-atake sa mga ibong nasasabit sa mga lambat o kayâ sa mga insekto at maliliit na hayop na tumatakas mula sa súnog.
Nililikha ng sabukot ang pugad sa mga makapal na halamanan at karaniwang nilalagyan ito ng takip. Nangingit-log nang tatlo hanggang anim at nililimliman nang 14 araw. Ang mga lalaking sabukot ang nagsisilbing tagalim-lim ng mga itlog at tagaalaga ng mga inakay. Pangunahing pagkain ang mga insekto, maliliit na reptil, at buto.
Naninirahan ang C. viridis sa mga rehiyong tropikal na may malalawak na damuhan at pastulan. Matatagpuan ang sabukot sa Luzon, Mindanao, Mindoro, Negros, Panay, at Samar. (KLL) ed VSA