Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

sábilá

Ang sábilá ( Aloe vera Linn.) ay isang uri ng yerba o halaman na ang tangkay ay malambot o kaunti lámang ang tisyung kahoy. Tumataas ito ng 30 -40 sentimetro. Ang dahon ng sabila at nagmumula sa lupa, maki-nis, makapal, malaman at may sukat na 20-50 sentimetrong habà at 5-8 sentimetrong lapad. Mapusyaw na berde ang kulay nitó na may batik-batik na kulay putî at may mga tinik sa gilid. Namumulaklak ito ng kulay dilaw, na isang klase ng pumpon ng bulaklak na ang mga bulaklak sa gitnang axis ay walang tangkay at may sukat na 2-3 sen-timetrong habà. Nabubuhay ito sa mainit at tuyong klima.

Ang sábilá ay tinatawag ding “miracle plantnatural healer” dahil sa dami nitóng gamit. Merong 400 ispisis ng Aloe pero ang Aloe Barbadensis Miller na ispisis ang kalimitang ginagamit ng tao dahil sa katangian nitóng maaaring gawing gamot. Ipinapahid ito sa mga pasò at pangangati sa balát kayâ tinatawag itong “ burn plant.” Napapanariwa din ng sabila ang balát at mabisà itong gamitin ng mga táong nanunuyo ang balát. Ginagamit ito ng mga may hika sa pamamagitan ng paglanghap ng pinakuluang tubig na may katas ng sabila. Mabisà din itong pampurga, sa mga pananakit ng ulo at ubo. Pinakamabisàng gamitin ang sabila pagkakuha nitó sa halaman.

Sa Filipinas, maraming tawag sa sábilá, gaya ng dilang-buwaya sa Bikol, dilang-halo sa Bisaya, at sabila-pinya sa Tagalog. Pinaniniwalaang ang sabila ay nagmula sa Africa. (ACAL)

 

Cite this article as: sábilá. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/sabila/