San Lorenzo Ruiz

(sirka 1600–29 Setyembre 1637)

Tinatawag ding San Laurentius Ruiz de Manila o San Lorenzo Ruiz de Manila, siyá ang unang Filipino na martir at sinasambang santo sa Simbahang Katoliko Romano. Ang simbahan sa Binondo ang kaniyang pangunahing dambana. Nagkaroon siyá ng beatipikasyon sa Maynila noong 18 Pebrero1981 at ng kanonisasyon sa Roma noong 18 Oktubre 1987, kapuwa sa pangunguna ng Papa John Paul II. Siyá ang kauna-unahang beatiko sa labas ng Roma, dahil isinagawa ito ng Papa John Paul II nang dumalaw sa Filipinas.

Ipinanganak si Lorenzo Ruiz (Lo·rén·zo Ru·wíz) sa Binondo, Maynila at anak ng isang mag-asawang Chino at Tagala. Naglingkod siyáng sakristan sa kumbento, tinuruan ng mga Dominiko, at naging miyembro ng Cofradia del Santisisimo Rosario. Ikinasal siyá kay Rosario, isang Tagala, at nagkaroon ng tatlong anak. Noong 1636, napagbintangan siyáng pumatay sa isang Español at napilitang tumakas sakay ng isang barko, kasáma ang tatlong paring Dominico, sina San Antonio Gonzalez, San Guillermo Courtet, at San Miguel de Aozaraza, isang paring Japanese na si San Vicente Shiwozuka de la Cruz, at isang Japanese na si San Lazaro ng Kyoto. Panahon iyon ng pag-usig ng pamahalaang Tokugawa sa mga Kristiyano. Dinakip sina Ruiz, ibinilanggo sa Nagazaki, at noong27 Setyembre 1637 ay pinarusahan. Ang parusa ay tinatawag na horca y hoya sa Español. Ibinibitin nang patuwad sa ibabaw ng isang balon ang pinarurusahan, ngunit nakawawala ang isang kamay upang makasenyas siyá kung nais magbago ng pananampalataya. Wika diumano ni Ruiz, “Isa akong Katoliko at buong pusong tinatanggap ang kamatayan para sa Panginoon. Kung ako man ay may sanlibong búhay, lahat ng iyon ay iaalay ko sa Kaniya.” Tiniis niyá ang parusa hanggang mamatay sa pagkaubos ng dugo at pagkainis noong 29 Setyembre 1637. (EGN)

Cite this article as: Ruiz, San Lorenzo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/ruiz-san-lorenzo/