Manuel A. Roxas

(1 Enero 1892–15 Abril 1948)

Si Manuel A. Roxas (Man·wél Ey Ró·has) ang maituturing na hulíng pangulo ng Komonwelt dahil nagwagi siyá sa halalan ng 23 Abril 1946 at unang pangulo ng kasalukuyang Republika ng Filipinas pagkatapos igawad ng Estados Unidos ang kasarinlan sa Filipinas noong 4 Hulyo 1946. Gayunman, maikli ang kaniyang panunungkulan dahil noong 15 Abril1948 ay namatay siyá sa atake sa puso pagkatapos magtalumpati sa Clark Field, Pampanga.

Ngunit tinapos din ng kamatayan ang isang makulay at walanghumpay na pag-akyat sa tagumpay ng isang lider politiko. Isinilang si Roxas sa Capiz (Lungsod Roxas ngayon), Capiz noong 1 Enero 1892 kina Gerardo Roxas at Rosario Acuña. Nag-aral siyá ng batas sa Unibersidad ng Pilipinas at nanguna sa pagsusulit sa bar noong 1913. Pinakasalan niyá si Trinidad de Leon ng San Miguel, Bulacan. Isa sa dalawang anak nilá, si Gerardo Roxas, ang magiging bantog ding politikong pambansa. Kumandidato siyáng gobernador ng Capiz at pagkaraan, noong 1922 kinatawan sa Asamblea. Napansin siyá ni Quezon at tinangkilik. Naging ispiker siyá ng Mababàng Kapulungan noong 1922-1923. Pagkatapos, naging aktibo siyá sa mga delegasyon patungong Estados Unidos upang maglakad ng kasarinlan.

Kumandidatong delegado sa 1935 Kumbensiyong Konstitusyonal si Roxas at nanalo. Sa halalang 15 Nobyembre1935 para sa Komonwelt muling nagkaisa sina Quezon at Osmeña at nagwaging pangulo at pangalawang- pangulo. Hinirang ni Quezon si Roxas na kalihim sa pananalapi at direktor sa National Economic Council. Naiwan siyá sa Filipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at lumahok sa mga labanan sa Corregidor, Bataan, at Mindanao. Muntik na siyáng mapatay nang madakip sa Mindanao. Napilitan siyáng makiisa sa mga Japanese ngunit patuloy na kumilos sa pangkating gerilya. Sa halalan noong 23 Abril 1946, tinálo ni Roxas si Osmeña sa pagkapangulo. Bahagi ng mga naisagawa niyá bago namatay ang reparasyon o bayad-pinsala sa mga sinalanta ng digma at ang karapatang parity. Naipatayô din niyá ang Rehabilitation Finance Corporation na naging Development Bank of the Philippines (DBP) gayundin ang Central Bank of the Philippines na Bangko Sentral ng Pilipinas ngayon. (VSA)

Cite this article as: Roxas, Manuel A.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/roxas-manuel-a/