Domíngo Róxas
(1782–1843)
Si Domíngo Róxas y Uréta (1782-1843) ang patriyarka ng angkan ng mga Roxas. Siya rin ang tagapagtatag ng Casa Roxas na pagkatapos ng maraming dinaanan ay pinag-ugatan ngayon ng Ayala Corporation. Noong 1834, itinatag ni Domingo Roxas ang Casa Roxas kasáma ng kasosyong si Antonio de Ayala upang lumahok sa paggawa ng alak at pulbura at sa pagtatanim ng asukal, bulak, kape, at indigo. Naging matagumpay siyá sa pagnenegosyo at bumili ng mga lupain, tulad ng sa Batangas.
Isa siyá sa mga unang industriyalista sa Filipinas at mariing tumututol noon sa monopolyo ng tabako at asukal. Pinaghinalaan si Domingo Roxas na nakikisangkot sa mga rebelyon sa Filipinas kayâ ilang beses na dinakip at ikinulong. Ilang pag- aalsa na sinasabing may kinalaman o nakisangkot si Domingo Roxas ay ang kay Andres Novales noong 1823 at kay Apolinario de la Cruz noong 1841.
Nang makulong sa pangatlong pagkakataon noong 1842 sa Fuerza Santiago, lumayag ang anak niyang si Margarita sa España upang personal na makiusap kay Reyna Isabela II na palayain ang ama. Nagtagumpay si Margarita ngunit hulí na ang lahat dahil namatay na si Domingo Roxas sa sakit habang nakakulong.
Ang mga magulang ni Domingo Roxas ay sina Mariano Roxas at Ana Maria de Ureta. Mayroon siyáng limang kapatid. Sinasabing nag-ugat ang kaniyang lahi sa isang piloto ng galeon mula sa Acapulco, Mexico. Napangasawa niya si Maria Saturnina Ubaldo at nagkaroon ng tatlong anak, sina Margarita Roxas de Ayala, Jose Bonifacio Roxas, at Mariano Roxas y Ubaldo. (BYLINE)