Artúro V. Rotór

(7 Hunyo 1907–9 Abril 1988)

Isa sa pangunahing kuwentista sa Ingles si Artúro Rotór. Ngunit isa rin siyáng doktor, siyentista, at musikero. Kilala siyáng espesyalista ng mga allergy at isa sa mga nakatuklas sa isang sakít sa atay na pinangalanang Rotor Syndrome, kayâ siyá ang nag-iisang Filipinong nababanggit sa mga aklat pangmedisina. Hábang nagbabakasyon naman sa kabundukan ng Caraballo, nadeskubre ni Rotor ang isang species ng orkidya na ipinangalan sa kanya, ang vanda merrillii, var. Rotorii.

Isinilang si Rotor sa Sampaloc, Maynila noong 7 Hunyo1907 at anak ng mag-asawang guro. Hábang nása ikaapat na taon sa sekundarya, sa gulang na 18, nailimbag ni Rotor ang kaniyang unang maikling kuwento na“The Great Leveller” at nagwagi ng ikatlong gantimpala sa isang paligsahan ng pagsulat ng maikling kuwento. Halos pinagsabay-sabay ni Rotor ang pag-aaral niyá ng medisina sa UP School of Medicine at musika sa UP Conservatory of Music, pag-aaral ng pagsulat ng maikling kuwento sa ilalim ni Paz Marquez-Benitez, pagtuturo ng piyano, pagiging miyembro ng UP Writers’ Club, at pagiging patnugot ng magasing Herald. Nakilála si Rotor sa mga maikling kuwentong naisulat mula 1934 hanggang 1937.

Itinuturing siyáng isa sa pinakamahusay na manunulat sa wikang Ingles sa panahon ng Commonwealth at mahusay na modelo sa paggamit ng teknik na the fifth act sa pagkukuwento. Naging koleksiyong The Wound and the Scar (1937) ang mga kuwento niyá. Inilathala din niyá ang The Men Who Play God (1983) at Confidentially, Doctor (1965).

Ipinagpatuloy ni Rotor ang espesyalisasyon sa medisina sa Hopkins Memorial Hospital, USA. Nagturo siyá sa UP College of Medicine at naging direktor ng Postgraduate School of Medicine sa Philippine General Hospital hanggang sa kaniyang pagreretiro noong 1961. Naglingkod din siyá bilang kalihim tagapagpaganap kay Pangulong Manuel Quezon at naging bahagi ng puwersa ni Heneral Douglas MacArthur na dumaong sa Leyte noong 1944. Naglingkod siyá sa pagbibigay ng mga serbisyong medikal sa Leyte at Samar. Sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan noong 1966, ginawaran si Rotor ng Republic Cultural Heritage Award for Literature in English. (JGP)

Cite this article as: Rotor, Arturo V.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/rotor-arturo-v/

Related Articles