Deogracias Rosario
(17 Oktubre 1894–26 Nobyembre 1936)
Si Deogracias Rosario (Dé·yo·grá·syas Ro·sár·yo) ay isang mangangatha, mamamahayag, at makata. Kinikilala siyá bilang “Ama ng Makabagong Maikling Kuwentong Tagalog.”
Unang naging aktibo si Rosario sa larangan ng pamamahayag. Naging bahagi siyá ng pahayagang Ang Demokrasya noong 1912 at ng satirikong magasing Buntot Pagi noong 1914. Noong 1917, naging reporter siyá ng Taliba at pagkaraa’y naging katuwang na editor nitó. Sumulat din siyá sa Pagkakaisa ng Bayan at ng Photo-News (ngayo’y Liwayway).
Pinamunuan din niyá ang iba’t ibang samahang pampanitikan at pangwika. Isa siyá sa itinuturing na cuarteto ng Ilaw at Panitik, at naging pangulo pa nitó, gayundin ng Kalipunan ng mga Kuwentista, at Kalipunan ng mga Dalubhasa ng Akademya ng Wikang Tagalog.
Ngunit mas nakilala si Rosario sa mga naging ambag niyá sa larangan ng maikling kuwento. Itinuturing na unang maikling kuwento sa Tagalog ang kaniyang akdang “Kung Ipaghiganti ang Puso” na inilathala sa Liwayway noong21 Marso 1924. Ilan pa sa mga kinikilalang mahuhusay niyáng kuwento ang “Aloha” (1932), “Ako’y Mayroong Isang Ibon” (1932) at “Greta Garbo.” Ang mga kuwento niyá ay napabilang na sa mga antolohiya ng pinakamahuhusay na akda.
Nakapagsulat si Rosario ng mahigit sa 80 maikling kuwento, dalawang maikling nobela, dalawang de-seryeng nobela, at maraming personal na sanaysay, artikulo, at tula na inilathala sa Photo-News. Nagkaroon din si Rosario ng kolum sa Taliba—ang “Mga Sulyap na Pang-Sabado ni D.A.R.” na nagtampok ng mga rebyu ng aklat at mga ulat tungkol sa mga pangyayari sa larangan ng panitikan.
Ipinanganak siyá noong 17 Oktubre 1894 sa Tondo, Maynila sa isang mahirap na pamilya. Nag-aral siyá sa Manila High School (ngayo’y Araullo High School). Nagsimula siyáng magsulat sa napakabatà ng edad na 13. Namatay siyá noong 26 Nobyembre 1936. (GSZ)