Norberto Romualdez Sr.

(6 Hunyo 1875–4 Nobyembre 1941)

Si Norberto Romualdez Sr. (Nor·bér·to Rom·wál·dez) ay isang abogado, mambabatas, hukom, at naging Mahistrado ng Korte Suprema. Subalit higit siyáng kinikilala ngayon dahil sa mga nagawa niyá sa pagtataguyod ng isang wikang pambansa.

Ipinanganak siyá noong 6 Hunyo 1875 sa Burawen, Leyte. Isa siyá sa mga unang nagtaguyod ng isang wikang mauunawaan sa buong bansa. Noong1935, at bilang delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal, nangampaniya siyá para sa pagkakaroon ng isang wikang pambansa batay sa isang katutubong wika. Pagkaraan ng kumbensiyon at mahalal siyá sa Pambansang Asamblea, siyá ang bumuo ng batas para sa pagtatatag ng Surian ng Wikang Pambansa. Isa rin siyáng mananaliksik pangkultura at may-akda ng Bisayan Grammar (1908); Tagbanwa Dialect(1914); Philippine Orthography (1921); La Literatura y Artes Filipinos (1923). Marami din siyáng saliksik sa katutubong musika tulad ng Filipino Musical Instruments and Airs of Long Ago (1931). Lider din siyá ng kapisanan ng mga manunulat at nagmamahal sa wikang Waray, kasáma si Jaime C. de Veyra na naging unang direktor ng Surian ng Wikang Pambansa.

Ikinasal siyá kay Mariquita Marquez noong 9 Setyembre1899 at naging anak sina Amparo, Milagros, Carmen, Loreto, Jose, Norberto Jr., at Francisco. Bukod sa politiko, naglingkod din siyáng hukom (1913–1919), propesor ng batas (1919–1920), at mahistrado sa Korte Suprema(1921–1932). Naglingkod naman siyáng kinatawan ng Leyte hanggang noong 1938 at kandidato sa pagkasenador ng Partido Nacionalista nang bawian siyá ng buhay noong 4 Nobyembre 1941. (GSZ)

Cite this article as: Romualdez, Norberto Sr.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/romualdez-norberto-sr/