Joaquin “Chino” Roces

(29 Hunyo 1913–30 Setyembre 1988)

Matagumpay na pabliser ng peryodiko at militanteng parlamentaryo sa lansangan, si Joaquin Roces (Hwa·kín Ró·ses) ay ipinanganak noong 29 Hunyo 1913 kina Alejandro Roces Sr. ng Binondo, Maynila at Antonia Pardo g Paete, Laguna. Mariwasa at aristokratikong pamilya ang mga Roces na pumasok sa pagdidiyaryo noong 1916 sa pamamagitan ng pagbili sa La Vanguardia at Taliba. Pagkuwan, nadagdag sa negosyo ang Tribune, at tinawag na TVT Publishing Co. ang lathalaan.

Mas kilalá si Joaquin sa palayaw na “Chino.” Nagsimula siyáng magtrabaho sa lathalaan ng pamilya bílang aprendis sa sirkulasyon. Noong Setyembre 1945, inilunsad niya ang The Manila Times, na nagsimulang isang tabloid at siyá ang general manager. Hinawakan din niya ang estasyon ng radyong DZMT. Naging“Asia’s Largest English language daily” ang The Manila Times noong mga dekada 50 at 60.

Si Chino ang kumuha kay Ninoy Aquino at nagpadalá sa digmaan sa Korea. Naging pangulo ng Filipinas si Ferdinand Marcos noong 1965 at nang bumulusok ang pangalan ay Times ang nanguna sa paglalathala ng mga eskandalo sa administrasyon. Nang ideklara ang Batas Militar, ipinasara ni Marcos ang Times at isa si Chino sa mga naging bilang politikal. Gayunman, pinawalan siyá pagkaraan ng dalawang buwan. Nang lumakas ang mga rali sa lansangan, lumitaw mula sa pagreretiro si Chino at humanap sa mga parlamentaryo sa lansangan na sina Lorenzo Tañada at Jose W. Diokno. Nang magwagi si Cory sa Snap Election, binuhay muli ni Chino ang Times. Bago ito, noong 1985 ay binigyan siyá ng Golden Pen Award ng International Federation of Newspaper Publishers sa isang kumperensiya sa Tokyo. Noon namang panahon ni Cory ay ginawaran siyá ng Philippine Legion of Honor. Sa kaniyang talumpati ng pagtanggap ay muli niyang binatikos ang korupsiyong pampolitika, isang isyung tahimik niyang sinalungat sa pamamagitan ng paglahok sa mga rali’t demostrasyon.

Namatay siyá ng kanser noong 30 Setyembre 1988. Ang kaniyang libing ay idineklarang pambansang araw ng pagluluksa. Ipinangalan sa kaniya ang Kalye Mendiola, sa harap ng Malacañang, at isang bantayog niya ang ipinatayô doon. (GVS)

Cite this article as: Roces, Joaquin “Chino”. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/roces-joaquin-chino/