Jésse Robrédo
(27 Mayo 1958–18 Agosto 2012)
Si Jesus Manalastas Robredo (He·sús Ma·na·las·tás Ro·bré·do), mas kilala bilang Jésse Robrédo, ay itinuturing na isang huwarang politikong Filipino. Naging pinakabatàng meyor sa kasaysayan ng Filipinas at kinilála siyá dahil sa ginawang pagpapaunlad sa Lungsod Naga. Naging Kalihim siyá ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) sa ilalim ng administrasyon ni Presidente Benigno Aquino III mula 2010 hanggang2012 ngunit masawi sa isang plane crash.
Isinilang siyá noong 27 Mayo 1958 kina Jose Chan Robredo Sr. at Marcelina Manalastas Robredo sa Naga, Camarines Sur. Pangatlo siyá sa limang magkakapatid na Jose, Jocelyn, Jenny, at Penny at ikinasal kay Maria Leonor Gerona Robredo, isang abogada, at nagkaroon ng tatlong anak na sina Jessica Marie, Janine Patricia, at Jillian Therese. Nag-aral siyá ng elementarya sa Naga Parochial School at doon nagsimula ang hilig niya sa chess; nagtapos ng hay-iskul sa Ateneo de Naga University noong 1970; at nakapagtapos ng Industrial Management Engineering at Mechanical Engineering sa De La Salle University. Naging Edward Mason Fellow siyá at nakapagtapos ng Masters of Public Administration sa John F. Kennedy School of Government ng Harvard University noong 1979. Nagtapos din ng Masters in Business Administration sa University of the Philippines, Diliman noong 1985.
Nagsimula ang kaniyang karera sa politika noong 1988 nang maihalal bilang meyor ng Naga sa edad na 29, ang pinakabatàng alkalde sa kasaysayan ng Filipinas. Natapos ang kaniyang tatlong termino bilang meyor noong 30 Hunyo1998. Muling naging meyor siyá noong 2001 at nakatapos muli ng tatlong termino noong 30 Hunyo 2010. Nakilala siyá dahil sa husay ng kaniyang pagpapatakbo at pagbabago sa Naga mula sa isang matanda’t walang buhay na pook tungo sa pagiging isang pinakamaunlad na siyudad sa Asia noong 1999. Dahil sa kaniyang mahusay na pamamalakad, naging pangulo siyá ng League of Cities of the Philippines noong 1995; at naging chairman ng Regional Development Council ng Bicol mula 1992 hanggang 1998. Matapos ang 19 taon bilang meyor, itinalaga siyá bilang Kalihim ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal noong 9 Hulyo 2010.
Noong 18 Agosto 2012, sumakay siyá sa eroplanong Piper PA-34 Seneca sa Cebu papuntang Naga upang dumalo sa swimming competition ng kaniyang anak. Dahil sa paghinto ng makina, nagdesisyon ang piloto na gumawa ng emergency landing sa Moises R Espinosa Airport sa Lungsod Masbate ngunit nabigo ito. Natagpuan ang katawan ni Robredo 800 metro mula sa baybayin ng Masbate at 54 metro sa ilalim ng karagatan noong umaga ng 21 Agosto 2012. Idinaos ang burol niya sa Archbishop’s Palace sa Naga bago inilipat sa Malacañang para sa idineklarang pambansang pagluluksa noong 24 Agosto2012. Ang kaniyang labí ay ibinalik sa Naga noong Agosto26 at isinailalim sa cremation noong 28 Agosto 2012.
Ang ilan sa mahahalagang parangal na iginawad sa kaniya ay ang Ramon Magsaysay Award noong 2000 dahil sa naging pagpapatakbo niya sa Naga; at dalawang posthumous na parangal na Philippine Legion of Honor, Chief Commander at Quezon Service Cross noong 2012. (KLL)