Paciano Rizal

(9 Marso 1851–13 Abril 1930)

Heneral ng rebolusyonaryong hukbong Filipino at kuya ni Jose Rizal si Paciano Rizal (Pas·yá·no Ri·zál). Isinilang siyá noong 9 Marso 1851 sa Calamba, Laguna at panganay sa 11 anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonso. Sa Colegio de San Jose sa Maynila, naging guro niyá si Jose A. Burgos, paring Filipino na aktibo sa sekularisasyon ng simbahang Katoliko sa Filipinas. Napalapit siyá sa pari at nagsilbing mensahero nitó. Tinuligsa ni Paciano ang pagbitay sa Gomburza. Bunga nitó, hindi siyá pinayagang kumuha ng eksamen sa paaralan. Dahil sa nangyari, nagpalit siyá at si Jose ng apelyido mulang “Mercado” tungong “Rizal.”

Huminto siyá sa pagaaral at bumalik sa Laguna. Tinulungan niyá ang matanda nang ama na pamahalaan ang ari-arian ng pamilya. Naging mahusay siyáng agrikultor at negosyante. Siyá halos ang naging pangalawang ama ng kanyang mga kapatid. Alang-alang sa Kilusang Propaganda, nangalap siyá ng suskrisyon sa Laguna at Batangas para sa Diariong Tagalog na pinamamatnugutan ni Marcelo H. del Pilar. Siyá ang umamuki kay Rizal para mag-aral sa España noong 1882 at patuloy na tagapagbalita hinggil sa nangyayari sa Filipinas. Isa na dito ang tungkol sa kaso ng asyenda ng mga Dominico sa Calamba. Inangkin ng mga prayle ang lupaing matagal nang sinasaka ng mga taga-Calamba. Nang tumanggi siláng magbayad ng buwis, ipinatapon silá sa Mindoro. Isang taon doon si Paciano. Siyá ang unang nagsalin ng Noli me tangere, bagaman nawawala ang manuskrito ng kaniyang salin.

Nang dakpin si Rizal noong 1896, ibinilanggo din si Paciano. Tatlong araw siyáng pinahirapan upang idawit ang kapatid sa Katipunan. Hindi siyá umamin. Siyá mismo’y naging heneral ng Himagsikan pagkatapos bitayin si Rizal. Napasuko niyá ang mga Español sa Sta. Cruz, Laguna. Sumunod siyá sa tigil-putukan nang lagdaan ang Kasunduang Biyak-na-Bato noong 1897. Nang muling sumiklab ang digmaan makaraan ang ilang buwan, ipinagpatuloy niyá ang laban sa larangan ng Laguna. Limampu’t anim na ang edad niyá noon. Nagkasakit siyá ng malarya at nadakip ng mga bagong kalabang Americano noong 1900. Nanatili siyá sa kaniyang bukirin sa Los Baños, Laguna hanggang sa mamatay noong 13 Abril1930 sa gulang na 79. (MIM)

Cite this article as: Rizal, Paciano. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/rizal-paciano/

Related Articles