Artemio Ricarte

(20 Oktubre 1866-31 Hulyo 1945)

Si Artemio Ricarte (Ar·tém·yo Ri·kár·te), kilalá rin sa sagisag na “Vibora” (viper), ay isang heneral ng Himagsikang Filipino at Digmaang Filipino-Americano. Kilalá siyá sa pagtangging sumumpa sa pamahalaang kolonyal ng mga Americano hanggang sa kaniyang kamatayan.

Isinilang siyá noong 20 Oktubre1866 sa Batac, Ilocos Norte kina Faustino Ricarte at Bonifacia García. Nag-aral siyá sa kaniyang bayan bago makamit ang Batsilyer sa Arte sa Colegio de San Juan de Letran sa Maynila. Pumasok siyá sa Unibersidad ng Santo Tomas at Escuela Normal. Pagkatapos ng pag-aaral, nangasiwa si Ricarte ng isang mababàng paaralan sa San Francisco de Malabon (General Trias sa Cavite ngayon). Dito niya nakilála si Mariano Alvarez, kapuwa guro na isang rebolusyonaryo. Sumapi si Ricarte sa Katipunan at nagkaroon ng ranggong Tenyente Heneral sa konseho ng Magdiwang ni Supremo Andres Bonifacio. Sa pagputok ng Himagsikang1896, pinamunuan ni Ricarte ang matagumpay na paglusob sa tanggulan ng mga Español sa San Francisco de Malabon. Sa Kumbensiyong Tejeros, nahalal si Ricarte bilang Kapitan-Heneral at itinaas ang ranggong militar sa Brigadyir Heneral sa hukbo ni Heneral Emilio Aguinaldo. Pinamunuan niya ang ilang labanan sa Cavite, Batangas, at Laguna.

Sa pagsiklab ng Digmaang Filipino-Americano noong1898, siyá ang tagapangasiwa ng operasyon ng puwersang Filipino sa kaligiran ng Maynila. Nadakip siyá noong1900 at ipinatápon sa Guam kasama ni Apolinario Mabini. Noong 1903, pinahintulutang makabalik ang dalawa sa Filipinas sa kondisyong manunumpa sa pamahalaang Americano. Pumayag ang may karamdamang si Mabini samantalang tumanggi si Ricarte. Inilipat ang hulí sa isang barko at ipinadalá sa Hong Kong.

Palihim na bumalik si Ricarte. Nadakip siyá noong 1904. Anim na taon siyáng nakulong sa Bilibid, at pagkalaya ay pinakiusapan muli na manumpa sa America. Tumanggi siyá at ipinatápon ulit sa Hong Kong. Lumipat silá ng kaniyang asawa sa Yokohama, Japan upang doon manirahan. Doon niya inilimbag ang aklat na Himagsikan ng manga Pilipino Laban sa Kastila. Sa pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, napakiusapan siyá ng mga Japanese na tulungan silá sa pamamahala ng bansa. Bago matapos ang digmaan, sa panahong nalalapit na ang pagkatalo ng mga Japanese, binigyan siya ng pamahalaang Japanese ng opsiyon na iligtas ang sarili at lisanin ang Filipinas. Tinanggihan niya ito, at namatay noong 31 Hulyo1945 sa Kabundukang Cordillera. (PKJ)

Cite this article as: Ricarte, Artemio. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/ricarte-artemio/