Lucresia Faustino Reyes-Urtula

(29 Hunyo 1929-4 Agosto 1999)

Itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining sa Sayaw noong 1988 si Lucresia Faustino Reyes-Urtula(Luk·ré·sya Faws·tí·no Ré·yes- Ur·tu·lá). Kinikilala siyáng koreograpo at direktor sa teatro at telebisyon. Siyá rin ang tagapagtatag ng The Bayanihan Dance Company of the Philippines. Ang Singkil ang pinakilalang obra sa koreograpiya ni Urtula. Sa kaniyang mga obra na ibinatay niyá sa malawakang pananaliksik, nilinang at dinalisay ni Urtula ang mga sayaw na hango sa kultura ng iba’t ibang katutubong tribu sa bansa upang umangkop sa kontemporaneong manonood ng teatro.

Itinatag ang Bayanihan Folk Arts Center at ang sangay nitóng Bayanihan Philippine Dance Company mula sa Filipiniana Folk Arts Group ng Philippine Women’s University noong 1957. Mabilis na nakilala ang bagong tatag na grupo noong 1958 Brussels World Exposition. Ang repertoire ng Bayanihan ay pangunahing binubuo ng mga kuwentong isinasalaysay sa pamamagitan ng mga sayaw.

Bukod sa Singkil, itinatangi rin ang kaniyang pagbuo sa Indarapatra; Pagdiwata, Tagubil, Tadok, Salidsid, Diwdiwan, Ug-gayam, at Sound of Wings na mula sa pinagsáma-sámang mga kuwentong-ibon sa Filipinas. Umani ng papuri at pagkilala ang kaniyang mga obra at nagsilbing inspirasyon ang mga ito sa maraming indibidwal upang magbuo rin ng kani-kaniyang grupong pansayaw. Sumunod sa mga yapak niyá sina Amelia Hernandez na bumuo ng Ballet Folklorico de Mexico at Alvin Ailey na nagtatag ng American Dance Theater.

Ipinanganak siyá noong 29 Hunyo 1929 sa Iloilo kina Koronel Leon S. Reyes, ng Philippine Constabulary na kalaunan ay naging Brigadier General at Antonia Faustino, isang nars. Napangasawa niyá si Dalmacio Urtula, isang negosyante. Nagtapos siyá ng kursong Edukasyon major in Physical Education sa Philippine Women’s University. Dito ay nagturo si Urtula at dito rin niyá sinimulan ang kaniyang karera sa katutubong sayaw na umabot sa mahigit na tatlong dekada. Namatay siyá noong 4 Agosto 1999. (RVR)

Cite this article as: Reyes-Urtula, Lucresia Faustino. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/reyes-urtula-lucresia-faustino/