Gabriel M. Reyes

(24 Marso 1892–10 Oktubre 1952)

Ang unang arsobispong Filipino ng Simbahang Katoliko, ipinanganak si Gabriel M. Reyes(Gab·rí·yel Em Ré·yes) sa Kalibo, Aklan noong 24 Marso1892 kina Eulogio Reyes at Marcela Martelino. Pagkaraang mag-elementarya sa Kalibo, pumasok siyá sa seminaryo ng Jaro, Lungsod Iloilo. Naordenahan siyáng pari noong 27 Marso1915 at unang nadestino sa Balasan, Iloilo, sumunod sa Capiz, at ikatlo sa Santa Barbara, Iloilo.

Mahal at iginagálang si Fr. Reyes ng kaniyang parokya. Mahusay niyang napamumunuan ang mga tao upang nagkakaisang magtrabaho. Dahil dito, hinirang siyáng vicar general ng Jaro noong 1926, at noong 1932 ay naging Obispo ng Cebu. Naging pagkakataón na sa panahong ito itinaas ang Cebu bílang arsodiyoseso at sentro ng Katolisismo sa buong Kabisayaan at Mindanao. Naging konsagradong arsobispo ng Cebu si Fr. Reyes noong29 Nobyembre 1934 at naging unang pinunòng Filipino ng Simbahang Katoliko sa Filipinas. Ang arsodiyoseso ng Maynila noon ay hawak ng Americano na si Arsobispo Michael O’Doherty. Kabiláng sa mga proyekto niya ang pagtatayô ng mga seminaryo, pagrereorganisa ng San Carlos University sa Cebu, pagtatatag ng St. Theresa’s College, at pagpapalakas ng mga institusyong pangkawanggawa.

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, inilíkas niya ang simbahan sa bundok upang hindi magamit ng mga Japanese. Naging inspirasyon siyá ng mga gerilya. Pagtapos ng digma at maglakbay siyá sa Estados Unidos, personal siyáng pinasalamatan ni Pangulong Truman sa White House. Itinaas din siyá ni Papa Pius XVII na co-adjutor na arsobispo ng Maynila nang magkasakit si O’Doherty. At noong 29 Setyembre 1947, pormal siyáng itinalagang arsobispo ng Maynila. Sa gayong paraan, siyá ang naging nag-iisa’t pinakamataas na pinunò ng mga Katoliko sa Filipinas.

Nagkaroon ng kampanya para maging kardinal si Arsobispo Reyes. Nilakad ito ni Pangulong Quirino kay Papa Pius XII at maganda ang resulta ng pakikipag-usap. Sa kasawiang- palad, lumalâ ang sakít na kanser ng Arsobispo. Namatay siyá hábang ginagamot sa Georgetown University Hospital noong 10 Oktubre 1952. (GVS)

Cite this article as: Reyes, Gabriel M.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/reyes-gabriel-m/