Francisca Reyes-Aquino

(9 Marso 1899–21 Nobyembre 1983)

Si Francisca Reyes-Aquino (Fran·sís·ka Ré·yes A·kí·no) ang pinakaunang Pambansang Alagad ng Sining sa Sayaw nang igawad sa kaniya ang karangalang ito noong 1973. Kilala rin siyá bilang Francisca Reyes- Tolentino at Kikay. Kinilala ang kaniyang natatanging pagpapahalaga sa katutubong sayaw na Filipino.

Isang lakbay-saliksik na sinuportahan ng Unibersidad ng Pilipinas ang nagbunga ng pagkakatuklas niyá ng tinikling mula sa Leyte. Sa pamama- gitan din ng lakbay-saliksik na ito natipon ang 38 katutubong sayaw at 33 awit na mula sa Mindanao at Mountain Province. Sinundan ito ng marami pang mabungang pananaliksik na nakapagtala ng 33 karagdagang sayaw at awit. Inilathala niyá ang mga ito sa iba’t ibang pag-aaral at naging inspirasyon ng mga guro at mananayaw. Naging susi rin siyá sa pagkakatatag ng mga grupong may kinalaman sa katutubong sayaw— ang U.P. Folk Song-Dance Troupe (1937); Filipiniana Dance Troupe (1945); at Philippine Folk Dance Society (1949). Sa loob ng mahigit45 taon, umani siyá ng mga karangalan gaya ng Honorary Doctorate sa Boston (1954), Republic of the Philippines Award of Merit; Honorary Doctorate mula Far Eastern University (1959); UNESCO Cultural Award (1959); Rizal Pro-Patria Award (1961); at pagkilala mula sa UP Department of Physical Education.

Ipinanganak siyá noong 7 Marso 1899 sa Lolomboy, Bocaue, Bulacan kina Felipe Reyes at Juliana Santos. Ikinasal siyá kay Ramon Tolentino Jr., Katuwang na Direktor ng UP Department of Physical Education, noong 1934 at biniyayaan ng isang anak na babae na si Celia. Labindalawang taon matapos pumanaw si Ramon, muli siyáng nag-asawa at ikinasal kay Serafin Aquino, ang naging Kalihim-Ingat Yaman ng Philippine Amateur Athletic Federation, noong 1947. Nagtapos siyá ng B.S.E. noong1924 sa UP. Natapos din niyá ang digring master sa nasabing unibersidad noong 1926. Ang kaniyang tesis ay isang koleksiyon na pinamagatang Philippine Folk Dances and Games na inayos para sa mga guro sa P.E. sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Itinanghal ito bilang mahalagang kontribusyon sa larangan ng Physical Education at mapagkukunan ng impormasyon para sa isang larangang di-gaanong napahahalagahan sa bansa. Namatay siyá noong 21 Disyembre 1983. (RVR)

Cite this article as: Reyes-Aquino, Francisca. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/reyes-aquino-francisca/