Alice G. Reyes

(14 Oktubre 1942– )

Mananayaw at koreograpo si Alice G. Reyes (Á·lis Ré·yes) na pinarangalan bílang Pambansang Alagad ng Sining para sa Sayaw noong 2014. Kinilála rito ang halaga ng mga nagawa niya para sa “pagpapaunlad at pagpapakilála ng kontemporaneong sayaw sa Filipinas.”

Ipinanganak noong 14 Oktubre1942, si Reyes ang pinakamatanda sa limang magkakapatid, at malaki ang naging impluwensiya sa kaniyang sining ng mga magulang niya: guro ng musika at pagkanta ang ina niyang si Adoracion Garcia, at kilalá naman ang ama niyang si Ricardo Reyes bílang“Ginoo ng Katutubong Sayaw sa Filipinas.” Nagkasáma siláng mag-ama sa mga pagtatanghal ng Bayanihan Philippine National Folk Dance Company.

Nag-aral si Reyes sa Maryknoll College mula mababàng paaralan hanggang kolehiyo, na pinagtapusan niya ng AB History & Foreign Services, bago siya pumasok sa paaralang gradwado ng Ateneo de Manila University. Nakadalo siya ng palihan sa sayaw ng Center of Dance sa Colorado Springs, bago siya inanyayahan ni Hanya Holm sa New York upang mag-aral sa ilalim nina Martha Graham at Merce Cunningham, dalawa sa “Big Four” ng modernong sayaw sa Estados Unidos. Pag-uwi sa Filipinas, kabílang sa mga naging pagtatanghal niya ang Amada(1969), na batay sa “Summer Solstice” ni Nick Joaquin, gayundin ang interpretasyon niya sa Carmen (1984) ni Bizet.

Noong 1969, pinasimulan ni Reyes ang CCP Dance Workshop Company, na naging CCP Dance Company, at paglaon ay kinilála bílang Ballet Philippines. Naging direktor pansining siya nitó sa loob ng 20 taon, bago niya ipinása ang tungkulin sa kapatid niyang si Edna Vina noong 1989. Nakapagtanghal na ang Ballet Philippines ng mahigit sa 400 palabas, at 30 sa mga iyon ang likha mismo ni Reyes. Sa panahon ng panunungkulan ni Reyes sa Ballet Philippines, ilan sa mga matagumpay na pagtatanghal ang Tommy (1972), Tales of the Manuvu (1977), at Rama, Hari (1980). (ECS)

Cite this article as: Reyes, Alice G.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/reyes-alice-g/