Repúblikáng Malólos
Ang Repúblikáng Malólos ay tumutukoy sa pamahalaan na lehitimong itinatag pagkaraang mapagtibay ng Kongreso ng Malolos ang Konstitusyon noong 29 Nobyembre1898. Pinasinayaan ito sa Simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan noong 23 Enero 1899.
Nakaayon ang Republika ng Malolos sa republikanong sistema ng pamahalaan na may tatlong sangay—ang ehekutibo, lehislatura at hudikatura—na may pantay-pantay na kapangyarihan. Si Hen. Emilio Aguinaldo ang hinirang ng Kongreso bilang Pangulo ng Republika, at naging mga Kalihim ng kaniyang gabinete sina Apolinario Mabini (Panlabas), Baldomero Aguinaldo (Digma) Teodoro Sandiko (Panloob), Gracio Gonzaga (Kawanggawa) at Mariano Trias (Pananalapi).
Matapos manumpa sa loob ng simbahan, inihayag ni Aguinaldo na ang mga Filipino ay malaya na’t napapaloob sa ilalim ng batas at may bansa na kapantay ng ibang nasyon sa mundo. Ideneklara din niya ang pagpapatawad sa mga bilanggong Español na hindi kasama sa regular na hukbo na kanilang nakatunggali at ang pagbibigay ng pribilehiyo sa mga dayuhan na magnegosyo sa Filipinas.
Maligayang sinalubong ng mga Filipino mula sa Luzon hanggang sa mga isla ng Bisayas ang pormal na pagtatatag ng nasabing Republika. Sa kasamaang-palad, ganap na sumiklab ang Digmaang Filipino-Americano noong 4 Pebrero1898 na siyang naging umpisa ng tuluyang pagbagsak ng Unang Republika ng Filipinas. (MBL)