repólyo
Ang repólyo ay isang hala-mang gulay na kilalá sa siyentipikong katawagan na Brassica oleracea. Ito ay nagmula sa pamilyang Brassicaceae. Ang halamang ito ay nagsimulang alagaan ng mga Romano at Griego mula pa noong 400 BK bilang isang halamang-gamot. Karamihan sa mga uri ng repolyo ay matatagpuan sa iba’t ibang parte ng mundo. Tumutubò ang pinakabunga nitó malapit sa lupa at mayroong maikling tangkay sa ilalim ng mga dahong bumubuo ng isang bilóg na ulo. Ang mga dahon nitó ay malakulubot at kapag nása tamang gulang na ay nagiging malutong. Mula pa noong kapanahunan ni Dioscorides, ginagamit na ito bilang isang panlunas sa suliranin sa dihestiyon o panunaw, bilang toniko para sa mga kasukasuan, bilang gamot para sa mga sakit sa balát, at panlaban sa mga lag-nat. Kinakain ng sinaunang mga Romano ang hilaw na repolyo upang maiwasan ang pagkalasing. Lagi rin itong nakahanda upang magamit para sa anumang karamda-mang nararanasan ng mag-anak.
Nagagamit ang mga dahon ng repolyo bilang panggamot sa mga sugat, mga ulser (partikular na ang nása loob ng tiyan), mga pamamagâ, mga pananakit ng kasukasuan o rayuma, at akne. Bilang nakaugaliang gamot, kinakain ito o iniinom ang katas para sa mga sakit sa dihestiyon, karamdaman sa baga, matinding pananakit ng ulo, pa-nanatili ng fluwido sa loob ng katawan, at iba pang mga kahapdian sa katawan. Noong 1967, tinawag itong “ang gamot ng mga mahihirap” ni Dr. Jean Valnet.
Mayroong iba’t ibang hugis ng repolyo: hugis itlog, bilog, habilog, at sapad. Ang mga dahon nito ay mayroon ring ibang kulay. Bukod sa mapusyaw na berde na karaniwang makikita sa mga pamilihan, mayroon itong kulay na lil-ang pumupulá. Ang repolyo ay pinararami sa pamamagi-tan ng maliliit na mga punla. Kapag ito ay naani at handa nang gamitin, ang parte ng bunga na ginagamit ay ang dahon at ang buto.
Sa Filipinas, ang halamang ito ay karaniwang inihahalo sa nilutong pagkain. Ito ay maaari ding kainin nang hilaw. Subalit ang unang paggamit sa repolyo ay bilang isang halamang nakagagamot ng iba’t ibang uri ng karamdaman at sugat. Ayon sa siyentipikong pag-aaral, ang repolyo ay pinagmumulan na bitamina at nutrisyon. Ito ay mayaman sa sulfur, amino acid at mga Bitaminang A, B at C (SSC).