Rehiyón
Ang rehiyón (mula sa Español na región) ay isang panheograpiko at pang-administratibong paghahati-hati ng mga kalupaan upang epektibong maorganisa at mapamahalaan ang iba’t ibang mga lalawigan. Sa kasalukuyan, ang Filipinas ay binubuo ng 17 rehiyon; walo sa Luzon, tatlo sa Visayas, at anim sa Mindanao. Napapaloob dito ang may 79 na lalawigan. Nagsimulang ipinaloob ang mga lalawigan sa mga rehiyon noong 24 Setyembre 1972 sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 1 na nagsasaad na ang mga lalawigan ng bansa ay pinangkat sa 11 rehiyon bilang bahagi ng Integrated Reorganization Plan ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Ang 11 rehiyong ito ay ang mga sumusunod: Ilocos (Rehiyon 1), Lambak Cagayan (Rehiyon II), Gitnang Luzon (Rehiyon III), Timog Katagalugan (Rehiyon IV), Bicol (Rehiyon V), Kanlurang Bisayas (Rehiyon VI), Gitnang Bisayas (Rehiyon VII), Silangang Bisayas (Rehiyon XIII), Kanlurang Mindanao (Rehiyon IX), Hilagang Mindanao (Rehiyon X), Katimugang Mindanao (Rehiyon XI).
Mula noong 1975, nagkaroon na ng mga pagdadagdag at paglilipat-lipat ng mga lalawigan sa bawat rehiyon partikular na sa mga lalawigan ng Mindanao. Idinagdag ang rehiyon ng Gitnang Mindanao noong 19 Setyembre2001 at tinatawag ngayong SOCCSKSARGEN. Noong 23 Enero 1976, binuo ang Rehiyon ng Kalakhang Maynila na kalaunang pinalitan naman ng pangalang National Capital Region o NCR. Hábang ang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) ay binuo bilang isang rehiyon noong 1 Agosto 1989. Binuo rin bilang isang bagong rehiyon ang Cordillera Administrative Region (CAR) noong 23 Oktubre 1989. Ang Rehiyong Caraga ay nabuo naman bilang ika-13 rehiyon ng bansa noong 23 Pebrero1995. Samantalang ang rehiyon ng Timog Katagalugan ay hinati sa dalawang rehiyon, Rehiyon IV-A (CALABARZON) at Rehiyon IV-B (MIMAROPA), noong 17 Mayo2002 sa bisa ng Executive Order No. 103. Ang Katimugang Mindanao ay tinatawag na ngayong Rehiyon ng Davao, hábang ang Hilagang Mindanao ay Zamboanga Peninsula. (AMP)