Iñigo Ed. Regalado

(19 Marso 1888–26 Hulyo 1976)

Si Iñigo Ed Regalado (In·yí·go Ed. Re·ga·lá·do) ay isang pangunahing makata at mangangatha sa Tagalog.

Sa mga unang taon ng 1900, sumulat si Regalado sa mga pahayagan tulad ng Ang Mithi, Pagkakaisa, Watawat, at Pliegong Tagalog. Naging patnugot dn siyá ng mga magasing Ilang-ilang at Liwayway. Naging konsehal din siyá ng Maynila nang ilang termino.

Labingwalong taóng gulang lámang si Regalado nang sulatin niyá ang kaniyang unang nobela, ang Madaling-araw, na nasundan ng marami pa. Nakapaglabas din siyá ng mga koleksiyon ng mga tula tulad ng Damdamin at Bulalakaw ng Paggiliw, at maikling kuwento gaya ng “Sa Laot ng Kapalaran.” Nakapagsulat din siyá ng libretto, tulad ng Hinilawod (1970) at mga isahing-yugtong dula gaya ng Isang Panyo Lamang, Mahiwagang Tao at Sa Bundok.

Sumulat din si Ragalado ng malawakang pag-aaral tungkol sa nobela, ang “Ang Pagkaunlad ng Nobelang Tagalog,” at ibinahagi niyá ito sa isang talumpating itinaguyod ng Surian ng Wikang Pambansa.

Isinilang si Iñigo Ed. Regalado noong 19 Marso1888 sa Sampaloc, Maynila. Anak siyá nina Iñigo Corcuera Regalado, isa ring sikat na manunulat, at Saturnina Reyes. Napangasawa niyá si Leonisa Bonus. Nag-aral si Regalado sa Escuela Municipal de Sampaloc. Nang mamatay ang kaniyang ama, sinuportahan niyá ang sariling pag-aaral. Nagtapos siyá ng bachiller en artes sa Liceo de Manila, at bachiller en leyes sa La Jurisprudencia. Nagenrol din siyá sa University of the Philippines School of Fine Arts. Dito ay naging guro niyá si Fabian de la Rosa at naging kaklase sina Fernando Amorsolo at Guillermo Tolentino. (GSZ)

Cite this article as: Regalado, Iñigo Ed.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/regalado-inigo-ed/

Related Articles