Claro M. Recto Jr.

(8 Pebrero 1890–2 Oktubre 1960)

Si Claro Mayo Recto Jr. (Klá·ro Má·yo Rék·to) ay isang makabansang estadista, manunulat sa Español at Ingles, at itinuturing na “Ama ng Konstitusyong1935.” Siyá rin ang hulíng mahistrado ng Korte Suprema na hinirang ng presidente ng Estados Unidos.

Isinilang siyá noong 8 Pebrero 1890 sa Tiaong, Tayabas(ngayon ay lalawigan ng Quezon) kina Claro Recto at Micaela Mayo, kapuwa mula sa maykáyang pamilya. Batà pa siyá nang lumíkas patungong Lipa, Batangas ang kaniyang pamilya. Nagtapos siyá ng batsilyer sa sining sa Ateneo de Manila noong 1909 at ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1913.

Pumasok siyá sa politika noong 1919 nang mahalal na kinatawan ng Batangas sa Lehislatura ng Filipinas. Dalawang beses pa siyáng muling nahalal at naging lider ng minorya sa Mababang Kapulungan noong 1922 at1925. Naging senador siyá noong 1931 at nahalal na delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal ng 1934. Naging pangulo siyá ng kumbensiyong ito hanggang matapos ang Konstitusyong 1935. Noong 1935, hinirang siyang katulong na mahistrado ng Korte Suprema ng Filipinas pero nagretiro pagkaraan ng dalawang taon. Dalawang beses muli siyáng naging senador, noong 1949 at 1953, at noon siyá nagsimulang tumanyag bilang masigasig at makabansang oposisyonista na tumuligsa sa patakarang panlabas ng Filipinas. Noong1957 din siyá kumandidato bilang pangulo ng bansa ngunit hindi nagwagi.

Isa siyáng mahusay na makata. Kinilala ang kaniyang malikhaing talino nang manalo sa isang paligsahang pampanitikan ang kaniyang dulang may isang yugto na La Ruta de Damasco (1914). Isa pa niyáng dula ang nagwagi ng premyo, ang Solo Entre Las Sombras (1917). Bukod dito, maraming naging mahahalagang talumpati at sanaysay sa Español at Ingles si Recto na naglalarawan ng kaniyang mga makabansang pananaw sa politika at kabuhayan. Ilan sa mga ito ang lumabas sa My Crusade (1955). Namatay siyá sa sakit sa puso noong 2 Oktubre 1960 hábang nása Roma, Italia. Inilibing siyá sa Cementerio del Norte sa Maynila.

Bilang pagpapahalaga sa kaniya, ang daang Azcarraga sa Maynila ay pinangalanang Abenida Claro M. Recto. (PKJ)

Cite this article as: Recto, Claro M. Jr.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/recto-claro-m-jr/

Related Articles