Fidél V. Rámos

(18 Marso 1928—)

Mula sa pagiging heneral at kalihim ng tanggulang bansa, nagwagi noong 1992 upang maging pangulo ng Republika ng Filipinas si Fidél V. Rámos. Naupô siyá kasabay ng matinding krisis pangkabuhayan sa buong mundo. Sinagot niyá ito sa pamamagitan ng“Philippines 2000” o isang bisyon para sa hinaharap at nagtatanghal sa kaniyang katangian bilang isang mahusay na tagabalangkas ng malawakang programa.

Isinilang siyá noong 18 Marso 1928 sa Lingayen, Pangasinan at anak nina Narciso Ramos, isang peryodista, politiko, at diplomata, at Angela Valdez. Isa siyáng Protestante(Simbahang Methodist) at kayâ kauna-unahang pangulo na di-Katoliko. Nang maging kongresista ang ama, lumipat silá sa Maynila at nag-aral siyá sa Unibersidad ng Pilipinas. Pagkatapos ng digma, nag-aral at nagtapos siyá sa US Military Academy sa West Point, pumasok sa hukbo, at kasáma sa PEFTOK (Philippine Expeditionary Force to Korea) noong 1952. Ikinasal din siyá kay Amelita(Ming) Martinez noong 1953 at nagkaroon ng limang anak. Naging heneral siyá noong 1971 at sa sumunod na taon ay naging hepe ng Konstabularya.

Sinamahan niyá ang dáting kapangkat na si Koronel Gregorio (Gringo) Honasan at sundalong RAM (Reform the Armed Forces Movement) sa isang kudeta noong 22 Pebrero 1986. Nang pumalit na pangulo ng Filipinas si Tita Cory ay naglingkod si Ramos na pangkalahatang punò ng hukbong sandatahan at kalihim ng tanggulang-bansa. Tinawag din siyáng “Tabako” dahil sa abano na laging nakasubò sa kaniyang bibig bagaman hindi siyá naninigarilyo.

Sa eleksiyong 1992, nagwagi siyáng pangulo laban sa ibang mga kandidatong pinangunahan ni Senador Miriam Defensor Santiago. Nanumpa siyá noong 30 Hunyo 1992 at nanungkulan hanggang 1998. Inilunsad niyá ang “Philippines2000” na isang malawakang pambansang programa para sa pagsúlong. Pinangunahan niyá ang “rekonsilyasyon” upang mapaghilom ang hidwaang pampolitika, ang pribatisasyon ng mga pangunahing serbisyo publiko, ang malawakang elektripikasyon laban sa malubhang brownout noong 1994, at ang pagsagot sa hámon ng “globalisasyon.” Matapos manungkulang pangulo, ipinagpatuloy ni Pangulong Ramos ang paglahok sa mga usaping pampolitika. (VSA)

Cite this article as: Ramos, Fidel V.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/ramos-fidel-v/