Eduardo A. Quisumbing
(24 Nobyembre 1895–23 Agosto 1986)
Kinikilála si Eduardo A. Quisumbing (Ed·wár·do Ey Kí·sum·bíng) na pinakamahusay na botaniko at taksonomista ng Filipinas. Siyá ang nagsulat ng librong Medicinal Plants of the Philippines na naging batayang sanggunian sa pag-aaral at pananaliksik ng mga halamang gamot sa bansa. Siyá ang tinaguriang ama ng pag-aaral ng mga orkidya at natatanging Filipinong dalubhasa sa orkidolohiya. Dahil sa pagsisikap niyang mapaunlad ang siyensiya ng botanika sa Filipinas, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 1980.
Bílang isang botaniko, una niyang pinag-aralan ang paguuri ng iba’t ibang pamilya ng saging. Sinuri niya kung paano ito lumalaganap at namumunga. Gumawa siyá ng pagsubok sa proseso ng pagpapalahi ng saging. Ang kaniyang pag-aaral ay ginagamit pa rin ngayon ng industriya ng saging sa bansa. Si Quisumbing ang unang Filipinong nagsaliksik sa mga uri ng paminta at nakalalasong halaman sa Filipinas. Ito ang naging daan sa pagsusulat niya ng Medicinal Plants of the Philippines. Ang librong ito ay naglalaman ng komprehensibong impormasyon tungkol sa 858 uri ng halamang gamot. Eksperto si Quisumbing sa pag-aaral ng mga orkidya sa Filipinas. Ginugol niya ang malaking bahagi ng kaniyang búhay sa paghahanap at pagkilála sa mga orkidya. Matagumpay niyang naitalâ ang900 uri ng orkidya at tinuklas ang 58 uri ng katutubong orkidya na makikita lámang sa Filipinas.
Si Quisumbing ay isinilang noong 24 Nobyembre 1895 sa Sta. Cruz, Laguna at anak nina Honorato Quisimbing at Ciriaca Arguelles. Natapos niya ang Batsilyer sa Agrikultura sa UP noong 1918 at nagpatuloy ng pag-aaral sa University of Chicago mula 1921 hanggang 1923. Dito niya natapos ang master sa Siyensiya at doktorado sa Botanika. Si Quisumbing ay isa ring administrador. Pinangasiwaan niya National Museum at nanguna sa restorasyon ng Pambansang Herbarium. Ang Herbarium ay mayroong mahigit 300,000 uri ng halaman bago ang Ikalawaang Digmaang Pandaigdig subalit nawasak ito pagkatapos ng digmaan. Halos dalawang dekada ang ginugol ni Quisumbing sa pagtatayông muli ng Herbarium. Namatay siyá noong 23 Agosto 1986. (SMP)