Elpidio R. Quirino
(16 Nobyembre 1890–29 Pebrero 1956)
Pumalit na pangulo ng Republika ng Filipinas si Elpidio R. Quirino (El·píd·yo Ar Ki·rí·no) noong 17 Abril1948 nang biglang mamatay si Pangulong Manuel A. Roxas. Ipinagpatuloy niya ang mga sinimulang gawaing pambansa ni Roxas, bukod sa inasikaso ang mga industriya. Tinagurian siyáng“Ama ng Industriyalisasyong Pambansa” dahil sa mga ipinatayô niyang planta, gaya ng NASSCo drydock, planta ng abono, Iligan Steel, hydroelectric sa Lanao at sa Ambuklao, Benguet, pabrika ng semento sa Bacnotan, La Union, at marami pa. Gayunman, malaking problema ng kaniyang administrasyon ang Pag-aalsang Huk at ang maalingasngas na dayaan sa eleksiyon ng 1949.
Isinilang si Quirino noong 16 Nobyembre 1890 sa Vigan, Ilocos Sur kina Mariano Quirino at Gregoria Rivera. Naglingkod muna siyáng klerk sa Senado bago kumandidatong kinatawan at nanalo noong 1919. Ikinasal siyá kay Alicia Syquia ng Vigan noong 16 Enero 1921. Tatlo sa mga anak niya at si Alicia ang pinatay ng mga Japanese noong 1945.
Sa unang kandidatura niya bílang senador ay tinálo siyá ni Isabelo de los Reyes. Muli siyáng kumandidato noong1925 at nagwagi. Muli siyáng nagwaging senador noong1931 ngunit nagbitiw upang kumandidatong delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal. Napiit siyá sa panahon ng Pananakop ng mga Japanese. Noong Hunyo 1945 ay nagmiting ang Kongreso at nahalal si Roxas na pangulo ng Senado at si Quirino bílang protempore. Ito ang simula ng kombinasyon nilá na nagwagi sa halalang pampanguluhan noong 1946. Dahil hindi malinaw ang tungkuling ng pangalawang-pangulo, nahirang siyang kalihim ng pananalapi at sakâ kalihim ng suliraning panlabas.
Dahil sa Pag-aalsang Huk ay hinirang niyang kalihim ng tanggulan si Ramon Magsaysay. Nagtagumpay ito sa pagpapahupa ng rebelyon ngunit lubhang naging popular kayâ inamuki ng Partido Nacionalista na maging kandidatong pangulo sa halalang 10 Nobyembre 1953. Nang matálo sa halalan, namahinga si Quirino sa bahay sa Novaliches at doon namatay noong 29 Pebrero 1956. (VSA)