Quiapo
Ang Quiapo (Ki·ya·pò) ay isang distrito ng Lungsod Maynila. Ang salitâng Quiapo ay nagmula sa pangalan ng isang akwatikong halaman, ang “kiyapò” na kahawig ng water lily, na maramihang nakalutang sa Ilog Pasig. Nása puso ng Maynila ang distritong ito at nahahanggahan ng Estero de San Miguel sa timog, distrito ng San Miguel sa silangan, Abenida Claro M. Recto sa hilaga, at Quezon Boulevard sa kanluran. Ikatlong distrito ito ng lungsod at may 16 barangay.
Kilala ang Quiapo dahil sa Simbahang Quiapo, ang Basilika Minor ng Itim na Nazareno. Napakarami ng deboto ng Itim na Nazareno kayâ isinasara ang mga kalye ng Quiapo kapag Enero 9 at pista ng patron. Libo-libo ang debotong sumasáma sa prusisyon na tumatagal hanggang gabi. Grabe din ang trapiko kapag Biyernes dahil sa dami ng mga nagsisimba. Ang kasalukuyang kulay kremang simbahan ay itinayô mula sa estrukturang nasunog noong1928. Naliligid din ang simbahan ng mga nagtitinda ng kandila at sari- saring agimat at halamang-gamot para sa kung ano-anong karamdaman. Kilala rin ang Quiapo bilang“lumang downtown” dahil sa mga murang produkto na mabibili rito, mula sa mga popular na tinapay at pagkain sa Kalye R. (“Ere”) Hidalgo at katutubong paninda sa “Il d’Tul” (Ilalim ng Tulay), at mula sa mga inismagel na kasangkapang elektroniko hanggang piniratang DVD.
Sa harapan ng Simbahang Quiapo ang bantog na Plaza Miranda. Ang plasa ay ipinangalan kay Jose Sandino y Miranda na nagsilbing kalihim ng tesorerya ng Filipinas nang halos 10 taon mula 1853. Ang Plaza Miranda ay popular sapagkat dito ginaganap ang mga mahalagang pagtitipong pampolitika at demostrasyon noon. Kasabihan noon na “kailangang ipagtanggol sa Plaza Miranda” ang anumang kontrobersiyal na pahayag o opinyon. Noong 1971, hinagisan ng granada ang Miting de Avance ng Partidong Liberal sa Plaza Miranda.
Tahanan din ang Quiapo ng isang malaking komunidad na Muslilm. Narito ang tinatawag na Golden Mosque. Malimit salakayin ito ng pulisya dahil hinihinalang pugad ng mga sindikatong namimirata at nagbibili ng shabu. (IPC)