Quezon Memorial Circle
Ang Quezon Memorial Circle (Ké·zon Me·mór·yal Sír·kel) ay isang pambansang dambana at pambansang liwasan sa Diliman, Lungsod Quezon. Isa ito sa mga tanyag na palatandaan ng Metro Manila at paboritong pook pasyalan ng mga taga-QC. Nakalagay sa monumento at mausoleo nitó ang mga labí ni Pangulong Manuel L. Quezon at kabiyak na si Aurora Quezon.
Matatagpuan ang parke sa gitna ng isang malawak na rotonda na may hugis elipse at iniikutan ng Elliptical Road. Unang inilaan ang pook para sa Pambansang Kapitolyo, na bahagi naman ng Pambansang Sentro ng Pamahalaan. Pinaslang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang planong ito. Sa halip, isang memoryal ang itinayô ng pamahalaan ni Pangulong Sergio Osmeña para kay Quezon. Sa isang pambansang paligsahan, nanalo ng disenyo ng arkitektong si Federico S. Ilustre.
Tampok ng liwasan ang monumentong may tatlong matatayog na pylon at gawa sa marmol na Carrara mula Italia, tatlo para sa Luzon, Visayas, at Mindanao. May taas itong 66 metro, ang edad ni Quezon nang pumanaw. Sa tuktok ng bawat paylon, nakaluklok ang isang nagluluksang anghel na may hawak na sampagita at nililok ng Italianong eskultor na si Mon-ti. Nagsimula ang pagpapatayô ng dambana noong dekada singkuwenta ngunit nagtagal dahil na rin sa hirap at gastos ng pag-import ng marmol. Natapos ang monumento noong 1978, ang sentenyal ng kapanganakan ni Quezon, at inilagak ang kaniyang mga labí sa kaniyang mausoleo sa ilalim ng monumento noong sumunod na taon. Kasabay nitó, ipinahayag ni Pangulong Ferdinand E. Marcos bilang isang Pambansang Dambana ang monumento. Noong 2005, inilipat din ang mga labí ni Aurora Quezon sa mausoleo.
Sa kasalukuyan, matatagpuan sa loob ng monumento ang dalawang maliliit na museo para sa mga gamit ni Pangulong Quezon at mga bagay-bagay tungkol sa lungsod na ipinangalan sa kaniya. Dinadayo ito ng mga tao para sa mga kainan, maaliwalas na damuhan, palaruan para sa mga batà, at bisikletahan. Nitóng mga hulíng taon, nagtayô ng munting perya sa loob ng liwasan, at tuwing gabi ay naliligo ang monumento at fountain sa tapat nitó sa makukulay na ilaw. (PKJ)